Sigaw sa Lung Month Celebration: “END TB, Now Na!”

Total ban ng entry ng live hogs at pork sa Batangas, ipinatupad
August 22, 2019
Paglalagay ng street lights sa mga pedestrian crossing sa Batangas Province, naipasa na
August 28, 2019

August 27, 2019

Matagumpay na nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Lung Month celebration, na pinangunahan ng Provincial Health Office, noong ika-23 ng Agosto 2019 sa Provincial Auditorium sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas.

Ang nasabing pagdiriwang ng Lung Month para sa taong ito, na may temang “End TB Now Na!”, ay nakasentro sa lalo pang pagpapaigting ng anti – Tuberculosis (TB) program ng lalawigan sa pamamgitan ng TB early detection initiatives na isinasagawa ng mga medical professionals o kinikilala bilang mga TB warriors.

Ayon kay Dra. Rose Ozaeta, Provincial Health Officer (PHO), ang okasyon ay pagkakataon rin upang bigyang pansin, hindi lamang ang sakit na TB, kung hindi wakasan na rin ang iba pang mga sakit sa baga at sa buong respiratory system.

Ayon pa dito, buo ang dedikasyon ng pamunuan ng PHO at pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na labanan ang pagkalat ng TB at mawala ito sa talaan ng isa sa sampung uri ng sakit na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ng gobernador na ang sakit na TB at iba pang respiratory diseases ay kaniyang personal concern dahil ilang miyembro ng kanyang pamilya ang nagkaroon ng nasabing sakit noong kanilang kabataan.

Kaya inatasan niya at binigyang direktiba ang pamunuan ng PHO na pag-ibayuhin pa ang paghahanap ng mga may sakit at ibigay sa mga ito ang wasto at mabisang pangangalaga at gamot, upang tuluyan ng mawakasan ang pagkalat ng nakamamatay, ngunit nagagamot na karamdaman.

Dagdag pa nito na sa tulong ng implementasyon ng Universal Health Care Plan sa lalawigan, maraming pagamutan at mga health care facilities ang mas lalong makapagbibigay ng ekspertong pangangalaga at libreng serbisyo sa iba’t-ibang karamdaman, daan umano upang tumaas ang bilang ng mga nagnanais na kusang magpagamot.

Naging tagapagsalita sa okasyon ang mga TB Warriors mula sa Department of Health – Region 4 National Tuberculosis Program Partners, na nagbigay ng kanilang mga programa sa pag laban sa tuberculosis.

Layunin nito na alisin ang Pilipinas, na nasa pang-apat, sa listahan ng World Health Organization ng mga bansang may mataas na kaso ng TB sa pamamagitan ng pinalakas na TB Finding Activities and Treatment Program at tutukan ang may tinatatayang nasa 2.5 milyong indibidwal na apektado ng nasabing sakit.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.