September 6, 2024
Labing anim na elementarya sa Lungsod ng Batangas ang napagkalooban ng mahahalagang kaalaman at kagamitan para sa paghahanda sa sakuna sa pamamagitan ng Master of Disaster (MOD) program, isang inisyatibo ng Shell Pilipinas Corporation (SPC) katuwang ang Asia Society for Social Improvement and Sustainable Transformation (ASSIST).
Sa isinagawang Shell Pilipinas Master of Disaster Closing Ceremony ngayong araw sa Batangas City Schools Division Office, ipinahayag ni SPC Vice President for Corporate Relations Serge Bernal na ang layunin ng programa ay mabigyan ng kamalayan ang mga batang mag-aaral sa tamang paghahanda at mga hakbang na dapat isagawa sa oras ng sakuna.
“Ang programang ito ay naglalayong bigyan ng kaalaman ang mga mag-aaral ukol sa paghahanda at mga dapat gawin sa harap ng mga kalamidad na madalas maranasan sa ating bansa,” ani Bernal.
Bukod sa pagsasanay ng mahigit 200 guro, pinagkalooban din ang mga paaralan ng mga emergency equipment tulad ng wheelchair, fire extinguisher, at stretcher.
Ipinahayag naman ni Batangas City School Superintendent Hermogenes Asperon ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa SPC at ASSIST dahil bukod sa pagsasanay ng mga guro, napagkalooban din ang mga paaralan ng mga mahahalagang kagamitan pang-emergency.
Dumalo rin sa seremonya sina ASSIST Program Director Francis Macatulad, Batangas City Vice Mayor Alyssa Renee Cruz Atienza, City Disaster Risk Reduction Management Office Chief Rod Dela Roca, mga guro, at mga coordinator mula sa labing-anim na paaralan sa lungsod.
Ang proyektong ito ay naaayon sa patuloy na isinusulong na mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, katuwang ang mga stakeholder-partners tulad ng Shell, na mapalakas ang kakayahan ng mga Batangueño sa pagharap sa maraming mga pagsubok dulot ng mga natural disasters.
Jun Magnaye / Photos: Junjun Hara De Chavez – Batangas Capitol PIO