Sepulturero, nagwaging “primera konsehal” sa Bayan ng Taal

TB-Free Island Initiative ng DOH CALABARZON, inumpisahan sa Tingloy, Batangas
May 8, 2019
Invitation to Bid
May 15, 2019

May 14, 2019

Naihalal bilang primera konsehal o ang konsehal na nakakuha ng pinakamaraming boto ang sepulturerong independent candidate na si Arnulfo “Arnel” Garces ng Bayan ng Taal, nitong katatapos lamang na 2019 local elections.

Isang marangal na sepulturero o tagapangalaga ng mga puntod sa Taal Public Cemetery si Garces mula taong 1990. Aniya, wala man siyang angking yaman o salapi na maipagmamalaki, hindi ito naging hadlang para ialay ang sarili bilang isang lokal na mambabatas at makapaglingkod para sa mga kababayang Taaleño.

Sa pagiging isang sepulturero, na hindi maringal na propesyon sa mata ng nakararami, nakatutulong naman daw siya sa kanyang mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng serbisyo at pagtulong sa paghahanap ng murang lupa o libingan, lalong-lalo na sa mga pamilyang katulad niyang danas ang kahirapan.

Kahirapan umano ang unang bibigyan niyang pansin at tugon kapag siya ay pormal nang naupo bilang konsehal ng bayan sa darating na Hulyo 2019.

Sa isang banda, hindi naman bagito sa politika si Garces. Nauna na itong nagsilbi bilang kapitan ng Brgy. Tierra Alta, Taal noong taong 2006 hanggang 2009. Sumabak din siya para sa konseho ng Taal noong Halalan 2013 at 2016, subalit hindi pinalad na mahalal sa parehong pagkakataon.

Kaya naman laking gulat ng Taal nang ang independienteng kandidato ay hindi lamang nanalo, kundi nanguna pa matapos ang bilangan ng boto. 17,787 ang kabuuang boto na nakamit ni Garces, at inagwatan ng 4,565 ang sumegundang konsehal na nakakuha ng 13,222 na boto.

Ayon kay Garces, ang tangi niyang hangad ay ang makapasok kahit sa ika-8 pwesto, basta manalo. Hindi umano niya inasahan na siya ang magiging primera konsehal dahil nga nagmula siya sa isang maralitang pamilya, isang independent candidate, at walang pinansiyal na kakayanan.

Katunayan, motorsiklo lamang ang ginamit ni Garces sa pangangampanya, kasama ang kanyang asawa. May nakatulong din siyang hindi lalampas sa pitong mga volunteers sa kanilang pagbabahay-bahay. Inikot nila ang 42 barangay sa bayan ng Taal sa loob ng isang buwang kampanyahan, mula umaga hanggang gabi, umaraw man o umulan.

Ikinuwento pa ni Garces na tutol ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang mga anak, sa kanyang muling pagtakbo sa pagka-konsehal. Subalit mas pinili niyang pakinggan ang pakiusap ng mga Taaleño na naniniwala sa kanya kaya napagdesisyunan nitong kumandidatong muli.

“Nagpapasalamat ako sa lahat ng nagpursigi at tumulong sa aking laban na ito, lalong lalo na sa mga taong pinakinggan ang aking hiling na mahalal sa konseho,” ani Garces.

“Bukod dito, nagpapasalamat din ako Panginoon sa pagpapahintulot na tupadin ko ang aking adikhaing maglingkod sa bayan kong sinilangan, ang bayan ng Taal, kahit na ako’y isa lamang sepulturero at ang tanging maipapagmalaki ko ay ang puso ko po na para sa mga Taaleño,” dagdag pa nito.

Si Councilor-elect Garces ay patunay na hindi hadlang ang kahirapan kung ang hangarin ay ang makapaglingkod sa bayan, at hindi sukatan ang katatayuan sa buhay upang pagkatiwalaan ng mamamayan. – Marinela Jade Maneja, Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.