Dapat mga bakunadong kabataang lamang ang payagang pumasok sa mga malls upang, bukod sa mahikayat ang mga kabataan na magpabakuna, masisiguro rin ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Ito ang iminungkahi sa Batangas Provincial Inter-Agency Task Force against COVID-19 ni Dr. Benito Atienza, kasalukuyang pangulo ng Philippine Medical Society, sa ginanap na regular na pagpupulong noong ika-22 ng Nobyembre 2021, sa harap ng nakikitang pagdagsa ng mga tao sa mga pampublikong lugar.
Suhestiyon ni Dr. Atienza na gawing insentibo sa mga bakunadong kabataan ang makapasok at makapamasyal sa mga malls at iba pang commercial areas, kasabay ng paalala sa mga magulang na limitahan ang pagsasama ng mga bata lalo na sa mga edad na 4 na taong gulang pababa.
Binigyang-diin ni Dr. Atienza, na mula sa Bayan ng San Jose, na ang mga batang 4 na taong gulang pababa, ayon umano sa mga kasalukuyang datos, ang age group na may mataas na mga kaso ng mortality.
Maaari rin aniyang hingan ng tulong at kooperasyon ang Department of Trade and Industry para sa regulasyon ng mga pook laruan sa mga malls dahil nangangamba umano ang Philippine Medical Society na isa ito sa magiging dahilan ng pagdami at karagdagang mga kaso ng COVID-19.
Sa huli, sinang-ayunan naman ni Dr.Gerald Alday, IATF Incident Commander, ang pahayag ni Dr. Atienza at sinigurong ipararating ito sa National IATF.
Rafael Castillo – Batangas Capitol PIO