Salaban II Women’s Multi-Purpose Cooperative ng Ibaan: Bida sa Larangan ng Kooperatiba, Inspirasyon sa mga Kababaihan

BAC – List of Awarded Contracts for Emergency Purchase (Taal Volcano Eruption)
March 6, 2020
Batangueña TOYM 2019 Awardee, Kinilala ng Kapitolyo
March 10, 2020

March 9, 2020

Bilang bahagi ng selebrasyon ng Women’s Month tuwing Marso, ibinida at itinampok ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang Salaban II Women’s Multi-Purpose Cooperative ng Ibaan, Batangas na isa sa mga maiituring na natatanging kooperatiba sa lalawigan.

Sa naging panayam kay Ms. Neneth Viros, ang manager ng samahan, nagsimula ang kanilang kooperatiba bilang isang credit cooperative noong Hunyo 1999, na binubuo ng 34 na miyembro at may panimulang kapital na ₱22,500. Ang naturang kapital ay pinaiikot nila at ipinahihiram sa mga kasapi na nagbabayad sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.

Buong pagmamalaki namang ibinahagi nina Ms. Jenny De Castro, tumatayo bilang sales clerk, at Ms. Fe Jaen, ang bookkeeper ng samahan, na ang kasalukuyang capital ng kanilang kooperatiba ay napalago na nila sa mahigit ₱15 Million at mayroon nang 305 na aktibong kasapi.

Malaki rin anila ang tulong na ipinagkakaloob ng pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Cooperative Livelihood and Enterprise Development Office, sa lalo pang pagpapalakas ng kanilang samahan na ngayon ay bukas na sa mga nagnanais maging miyembro mula sa buong lalawigan.

Taong 2008 nang maging isang ganap silang multi-purpose cooperative, nang, bukod sa lending service, binuksan nila ang isang consumer store.

Napagkalooban ng Department of Agriculture (DA) ang kooperatiba ng ayuda, na kanilang ginamit upang makapagpatayo ng isang food terminal at pasimulan ang ibang mga pagkakakitaan, tulad ng appliance loan, at pananahi ng mga kulambo, eco-bags, blusa at polo. Nakatanggap din sila mula sa DA ng halagang ₱175,000, kung saan ang ₱100,000 ay ginamit bilang kapital at ₱75,000 ay para sa equipment.

Dagdag pa ni Ms. Viros, sa pamamagitan ng mga ipinagkaloob na tulong, regular na nasubaybayan ng DA ang kooperatiba, na kalaunan ay napasama sa nagiging nominado at kampeon sa Municipal at Regional Level ng Gawad Saka Search, isang taunang aktibidad na kumikilala sa mga mga natatanging magsasaka, mangingisda, mga grupo at indibidwal na may napakahusay na ambag sa pagsasakatuparan ng seguridad sa sapat na pagkain at pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Sa huli, payo ng mga kinatawan ng nasabing kooperatiba na mahalaga ang teamwork at kailangan na may pusong handang maglingkod sa kapwa. Patuloy din anila na itataas ang estado ng women empowerment sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho at tulong sa lahat ng mga Batanguena sa abot ng kanilang makakaya.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.