September 25, 2019
Sa ika-limang pagkakataon, muling nagdaos ang Batangas Provincial Blood Council ng isang poster making contest na may layuning maitaas ang antas ng kamalayan at ipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng boluntaryong pagbibigay ng dugo na inaasahang makatutulong na madugtungan ang buhay ng mga mangangailangan nito.
Ang nasabing paligsahan sa pagguhit ay ginanap sa Department of Education (DepEd) – Batangas Division Office, Bolbok, Batangas City noong ika-25 ng Setyembre 2019.
Naging kalahok sa patimpalak, na ginabayan ng temang “Safe Blood for all”, ang 31 Senior High School Students mula sa iba’t-ibang pampublikong paaralan sa Lalawigan ng Batangas.
Hinirang na 1st placer si KC Care, mula sa Padre Garcia National High School, Padre Garcia, Batangas, na nakuha ang premyong nagkakahalaga ng ?5,000. Sinundan ito ng iginuhit nina Bryan Ariola ng Placido T. Amo Senior High School, Laurel, Batangas, bilang 2nd placer na nag-uwi ng ?3,000, at 3rd placer na si Jeremy Belo ng Batangas Province High School for Culture and Arts, Batangas City, na nagkamit ng halagang ?2,000.
Nakatanggap naman ang ibang kalahok at ang kanilang mga guro ng ?200 at sertipiko ng partisipasyon bawat isa.
Nagsilbing hurado sa paligsahan sina Abelardo Perez Jr. ng Grupo Sining Batangueño, Ms. Ronna Endaya Contreras ng Batangas City Government – Public Information Office, at ang tumayong chairperson ng patimpalak na si Mr. Amado Hagos Jr. ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office.
Ang matagumpay na aktibidad ng Batangas Blood Council, sa pangunguna ng chairperson nitong si Mr. Jun Magana, ay naisakatuparan sa tulong nina Batangas Gov. DoDo Mandanas; Provincial Health Office, sa pamumuno ni Dr. Rosvilinda Ozaeta; DepEd Batangas, sa pakikipag-ugnayan ni Nurse Coordinator, Mr. Christian H. Harina; at Batangas PNP.
Millicent Ramos at Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO