June 26, 2024
Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development – Regional Alternative Child Care Office IV-A (CALABARZON), sa pakikipagtulungan sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), ang isang araw na pagdiriwang ng Regional Adoption and Alternative Child Care Week noong ika-25 ng Hunyo 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
Nakasentro ang pagtitipon sa tema ngayong taon na “#EveryChildMatters: A New Era in Adoption and Alternative Child Care.”
Bahagi ng naturang aktibidad ang naging ulat ng Regional Alternative Child Care Office IV-A (RACCO) ng mga naging accomplishments nito mula 2009 hanggang sa kasalukuyang taon.
Tinalakay rin ni RACCO IV-A Officer-In-Charge, Ms. Rica Alyzza Benosa, ang ilang aspeto ng Republic Act No. 11642 o ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na umiiral sa bansa mula 2022 para sa layunin na mas mapadali at mapabilis ang proseso ng pag-aampon para sa mga Pilipino.
Sa naging mensahe ni Vice Goveror Mark Leviste, pinasalamatan niya ang mga tanggapan at ahensyang konektado sa pagsisiguro ng kapakanan ng mga kabataan sa bansa. Kaniyang binigyang-pansin ang kahalagahan ng tamang pangangalaga, aruga, at kalinga na nararapat para sa lahat; na Aniya’y sa pamamagitan nito at sa sama-samang pagtutulungan ng bawat isa ay walang batang maiiwan sa pagmamahal hindi lamang sa rehiyon manapay sa buong bansa.
Nagbahagi rin ang ilan sa mga Foster at Adoptive Parents mula sa lalawigan ng kanilang magagandang karanasan bilang mga magulang ng mga batang nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.
Ornald Tabares, Jr. – Batangas Capitol PIO