October 24, 2018
31 proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa edukasyon, na nagkakahalaga ng mahigit P260 milyon, ang kasalukuyang isinasagawa sa iba’t ibang bayan ng Lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial School Board (PSB).
Ito ang naging tampok sa ulat na ipinahayag ni Engr. Evelyn L. Estigoy, ang hepe ng PSB Secretariat, noong ika-22 ng Oktubre 2018 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
Ayon kay Engr. Estigoy, natapos ang bidding para sa mga nasabing proyekto noong Agosto 2018. Kabilang sa mga pagawaing bayan ang konstruksyon ng 18 mga bagong school buildings, 10 open classrooms at 2 day care centers; at pagsasaayos ng Batangas High School for Culture and Arts (BHSCA).
Ang Batangas High School for Culture and Arts, na nasa Bolbok, Lungsod ng Batangas, ay isa sa dalawang paaralang pansekondarya ng pamahalaang panlalawigan na may special curriculum. Ang BHSCA ay nakatuon sa mga creative arts tulad ng teatro, pag-awit at pagsayaw. Ang isa pa ay ang Batangas Province Science High School sa Munisipalidad ng Calaca.
Kabilang din sa mga programang isinasakatuparan ng PSB ang pagsuporta sa operasyon at pagpapanatili ng mga pampublikong paaralan sa lalawigan. Bukod sa suporta sa karagdagang guro at school workers, nakapagbigay na rin sa iba’t ibang humiling na paaralan ng mga kagamitan, tulad ng 231 laptop computers, 4,887 arm chairs, 200 teacher’s tables and chairs, at special equipment (tulad ng soil thermometers, wheelbarrows, electrode oven, weighing scales, comb tooth arrows at cake mixers).
Noong nakaraang Brigada Eskwela, halos 4 na libong gallon ng pintura, 5 libong piraso ng GI sheets at 3 libong piraso ng plywood ang naipamahagi sa 245 na mga paaralan; bukod pa sa 12 libong sako ng semento na ibinigay sa 453 schools. Vince Altar – Batangas Capitol PIO