September 26, 2024
Pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang bagong itinayong 2-storey Sangguniang Kabataan (SK) Multi-Purpose Building sa Barangay Panghulan, Agoncillo, Batangas ngayong araw, Setyembre 26, 2024.
Ang proyekto ng Kapitolyo, sa ilalim ng pamumuno ni Governor Hermilando I. Mandanas, ay inaasahang magdadala ng mas maayos at mas komprehensibong serbisyo para sa komunidad ng Barangay Panghulan, partikular sa mga kabataan.
Ayon kay Barangay Captain Herman Brotonel, ang naturang gusali ay magsisilbing tanggapan ng SK, at extension office din ng kanilang barangay hall, lalo para sa serbisyo ng Violence Against Women and Children (VAWC) desk.
Sa mensahe ni Agoncillo Mayor, Atty. Cinderella Valenton Reyes, pinasalamatan niya si Governor Mandanas sa patuloy na suporta at pagbibigay ng mga proyekto, hindi lamang sa kanilang bayan kung hindi sa buong Lalawigan ng Batangas.
Ayon pa kay Provincial Assistance for Community, Public Employment, Youth and Sports Development Office (PACPEYSDO) head Fredesvinda Mendoza, ang naturang gusali ang kauna-unahang gusaling itinayo ng pamahalaang panlalawigan para sa Sangguniang Kabataan.
Dumalo rin sa makasaysayang okasyon sina Vice Mayor, Atty. Daniel Reyes; mga miyembro ng Sangguniang Bayan at Barangay; PACPEYSDO Assistant Department Head Arthur Caguitla; Engr IV Gloria Belarmino ng Provincial Engineering Office; Agoncillo SK Chairperson Mark James Morales; at iba pang mga functionaries at bisita. Jun Magnaye / Photos: Macc Ocampo – Batangas Capitol PIO