Proyektong LAWA at BINHI sa Batangas Province, matagumpay na naisagawa

Movement of PRE-BID CONFERENCE (GOODS)
September 2, 2024
Shell Pilipinas, ASSIST, naghatid ng Proyektong Master of Disaster sa mga paaralan sa Batangas City
September 6, 2024

September 5, 2024

Naging matagumpay ang implementasyon ng “Project LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished)” sa Lalawigan ng Batangas na nagtapos noong ika – 13 ng Agosto taong 2024. Ang nasabing proyekto ay nagsimula noong buwan ng Abril sa mga Bayan ng Lian, Rosario, San Juan, Taysan at Sto. Tomas City.

Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office o PGENRO, ay nakipag-ugnayan sa Department of Social Welfare and Development o DSWD – CALABARZON Region upang maipatupad ang Project LAWA at BINHI, sa ilalim ng Risk Resiliency Program – Climate Change Adaptation and Mitigation through Cash for Training /Work para sa nabanggit na limang bayan bilang pagtugon sa mga banta ng epekto ng El Niño. Layunin ng programa na mabigyan ng “sustainable solution” ang kakulangan sa pagkain at tubig dulot ng El Niño.

Ang Lalawigan ng Batangas ay may kabuuang halagang alokasyon na ₱23,876,000 para sa 2,540 partner – beneficiaries. Ang bawat partner-beneficiary ay nakatanggap ng daily minimum regional wage rate na ₱470 kapalit ng kanilang aktibong pakikilahok sa mga pagawain sa loob ng dalawampung araw na nakapaloob sa implementasyon ng nasabing proyekto.

Sa pangunguna ng PGENRO, unang ipinatupad ang nasabing proyekto sa bayan ng Lian mula April 1 – 20, 2024 na may 435 na mga benepisyaryong magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang People’s Organizations. Ito ay sinundan ng bayan ng Rosario na may 632 benepisyaryo, bayan ng San Juan na may 716 benepisyaryo, Lungsod ng Sto. Tomas na may 611 benepisyaryo at bayan ng Taysan na may 146 benepisyaryo.

Sila ay sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay kung saan ay binigyan sila ng kaalaman patungkol sa proyekto ng DSWD, mga posibleng sakuna at paano ito mapaghahandaan, pagbabago ng klima, epekto at paano ito maiiwasan. Pagkatapos nito ay isinagawa ang iba’t-ibang mga pagawain sa loob ng labinlimang araw, tulad ng rehabilitasyon ng “water harvesting system,” paglilinis ng mga kanal at pinagdadaluyan ng tubig, at pagtatanim.

Ang huling dalawang araw ng nasabing proyekto ay ang pagtatasa at pagkilala sa mga programa at pagawain para sa pagpapanatili ng proyekto. Nagkaroon din ng “ceremonial turnover” sa LGU at benepisyaryo ng nasabing proyekto/programa.

Noong ika – 13 ng Agosto ay isinagawa ang “pay-out” o ang pagtanggap ng mga benepisyaryo ng kanilang augment/sahod sa bayan ng Taysan, ang huling bayan na nagpatupad ng proyektong LAWA at BINHI.

Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng halagang ₱9,400 na pinagtrabahuhan nila sa loob ng dalawampung araw. Ito rin ang naging hudyat ng pagtatapos ng implementasyon ng nasabing proyekto.

Katuwang ng PGENRO sa pagpapatupad ng proyektong LAWA at BINHI ang DSWD CALABARAZON, Provincial Social Welfare and Development Office, Office of the Provincial Agriculturist at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office mula sa pamahalaang panlalawigan at MAO, MENRO at MSWDO mula naman sa mga nabanggit na bayan at lungsod.

Samantala, taos-pusong nagpapasalamat ang PGENRO sa pangunguna ng kanilang department head na si Ginoong Luis A. Awitan, sa DSWD CALABARAZON sa pagbibigay ng programang nakakatutulong, hindi lamang sa mga kapwa Batangueño, kundi pati na rin sa pangangalaga ng kapaligiran.

Gayundin ang kanyang pasasalamat sa mga naging katuwang na departamento at suporta mula naman sa pamahalaang lokal ng 5 bayan at lungsod sa lalawigan.

LIAN (April 1 – 20, 2024)

ROSARIO (April 15 – May 8, 2024)

SAN JUAN (May 13 – June 4, 2024)

STO. TOMAS CITY (June 5 – 28, 2024)

TAYSAN (July 17 – August 10, 2024)

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.