Provincial Health Office: mga paalala ngayong tag-ulan

Pagsangkap ng Iodized Salt sa Pagkain, Isinusulong ng Asin Task Force Poster-making Contest
July 4, 2019
Inter-Agency Convergence meeting ng Rural Dev’t. Program sa Batangas, isinagawa sa Kapitolyo
July 8, 2019

July 8, 2019

Sa pagpasok ng panahon ng tag-ulan sa bansa, kaakibat nito ang maraming mga hamon sa kalusugan. Kaugnay nito, muling nagpaalala ang Batangas Provincial Health Office (PHO), sa pangunguna ng department head ng tanggapan na si Dr. Rose Ozaeta, kung ano ang mga pangkaraniwang sakit tuwing tag-ulan at kung paano makaiiwas dito.

Sa panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ipinagbigay-alam ni Dr. Gerald Alday, Medical Officer IV ng PHO, na kailangang mag-ingat ang mga mamamayang Batangueño sa pagkakaroon ng dengue, leptospirosis, trangkaso, at acute gastroenteritis o diarrhea, na maituturing na mga pangunahing sakit sa naturang panahon.

Upang makaiwas sa Dengue, payo ni Dr. Alday na importanteng isagawa at ipatupad sa bawat komunidad ang tinatawag na 4S Strategy, na ang ibig sabihin ay Search and Destroy o ang pagsiguro na malinis ang kapaligiran at walang maaaring pag-ipunan ng tubig, gaya ng mga bote, gulong, timba at drum, na mapangingitlugan ng lamok at mapamumugaran ng kiti-kiti; Seek Early Consultation o ang agarang pagkonsulta kung sakaling makaramdam na ng mga sintomas tulad ng lagnat, pamamantal sa balat, matinding sakit ng ulo at kawalan ng ganang kumain; Self-Protection Measures, kung saan iwasan ang maiikling kasuotan upang hindi madaling makagat ng lamok; at, Say Yes to Fogging sa oras na magkaroon ng outbreak o biglaang pagdami ng mga lamok.

Sa kaso ng leptospirosis, bagaman at hindi mataas ang mga insidenteng naitatala sa lalawigan, pinag-iingat pa rin ang bawat isa sapagkat kalimitan sa nakakakuha nito ay ang mga estudyante at empleyado na kalimitan ay sumusuong sa baha mula sa mga baradong kanal. Dahil sa ihi at dumi ng hayop, tulad ng daga, sa tubig baha, maaaring pumasok ito sa mga sugat o open wound at magdulot ng impeksyon.

Ayon kay Dr. Alday, pag-inom ng antibiotic ang isa sa mga paraan na puwedeng makatulong upang hindi lumala ang pagkalat ng mikrobyo at makaiwas sa iba pang komplikasyon. Mainam din umano ang pagsusuot ng bota kung sakaling kinakailangang lumusong sa baha.

Sa panahon ng tag-ulan, isa rin sa nauusong sakit ang Diarrhea dahil nakokontamina ang tubig, lalo na ang inuming tubig. Kung sakaling tamaan ng naturang sakit, siguraduhin aniya na hydrated ang isang taong may diarrhea at importanteng pakuluan ang tubig upang masigurong malinis at ligtas itong inumin.

Samantala, sa pag-iwas naman sa trangkaso o ang pagkakaroon ng ubo at sipon, ipinabatid ni Dr. Alday na ugaliin ang pagkain ng mga prutas na mayaman sa Vitamin C. – Mark Jonathan M. Macaraig, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.