May 12, 2022
Inumpisahan na ng Commission on Elections (COMELEC) – Batangas Province ang proklamasyon ng mga nanalo sa kakatapos lamang na National at Local Elections noong ika-9 ng Mayo 2022.
Tumayo bilang Provincial Board of Canvassers sina Atty. Margaret Joyce Reyes – Cortez, COMELEC Provincial Election Supervisor, bilang Chairperson; Atty. Juliet Patulot ng Office of the Provincial Prosecutor, bilang Vice-Chairperson; at Dr. Merthel Evardome ng Division Superintendent ng Department of Education Batangas Province, bilang Secretary.
Kabilang sa mga naiproklama noong ika-10 ng Mayo 2022, si Vice Governor Mark Leviste, na sa unofficial results ay nakatanggap ng mahigit na isang milyong boto.
Nauna rito, idineklara na ring nagwagi sa eleksyon sina incumbent 4th District Board Members Jonas Patrick Gozos at Jesus De Veyra; Atty. Jinky Bitrics-Luistro, na nanalo bilang Congresswoman sa Ikalawang Distrito ng Batangas; at incumbent Board Member Rudy Balba ng Ikatlong Distrito.
Sinundan ito nina Congresswoman Llanda Bolilia na muling nagwagi bilang kinatawan sa House of Representatives ng Ikaapat na Distrito ng lalawigan; nagbabalik na Board Member ng Ikatlong Distrito Fred Corona; Congresswoman Maria Theresa Collantes ng Ikatlong Distrito; at Congressman Eric Buhain ng Unang Distrito.
Kinahapunan, isinagawa ang proklamasyon nina 1st District incumbent Board Member Carlo Roman Rosales at bagong Bokal Armie Bausas Magisa; at ang muling iniluklok na Board Member ng Ikalawang Distrito, Dr. Arlene Magboo.
MON ANTONIO A. CARAG III, BATANGAS PIO