May 22, 2025
Sinimulan na sa Lian; Isasagawa sa 8 Bayan ng Lalawigan
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Tanggapan ng Kapaligiran at Likas na Yaman, katulong ang Tanggapan ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan, ay muling nakipag-ugnayan sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan – CALABARZON Region upang maipatupad ang “PROJECT LAWA (Local Adaptation to Water Access) at BINHI (Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished)” sa ilalim ng “Risk Resiliency Program – Climate Change Adaptation and Mitigation through Cash for Training /Work.”
Ngayong taon, walong bayan sa lalawigan, kabilang ang Lian, Rosario, Balayan, Padre Garcia, Lobo, Taysan, Tuy at Laurel, ang mabibigyan ng pagkakataong maging bahagi ng nasabing proyekto. Layunin ng programang ito na mabigyan ng “sustainable solution” ang kakulangan sa pagkain at tubig dulot ng El Niño, gayun din ang iba pang epekto ng patuloy na pagbabago ng klima o climate change.
Unang ipinatupad ang proyektong LAWA at BINHI sa Bayan ng Lian na may 300 benepisyaryong mga magsasaka at maggugulay mula sa iba’t ibang “peoples’ organizations.” Sila ay sumailalim noong Abril 28 – 30, 2025 sa 3-araw na pagsasanay, kung saan binigyan sila ng kaalaman patungkol sa proyekto ng DSWD, mga sakuna at paano ito mapaghahandaan, at pagbabago ng klima, epekto nito at paano ito maiiwasan.
Pagkatapos nito, isinagawa naman noong Mayo 2, 2025 ang kanilang 15 araw na pagsasagawa ng mga aktibidad, na may kinalaman sa water sufficiency at food security. Kabilang sa kanilang mga pagawain ay ang rehabilitasyon ng “water harvesting system,” paglilinis ng mga kanal at pinagdadaluyan ng tubig, at pagtatanim. Ang huling dalawang araw ng nasabing proyekto ay nakalaan para sa pagtatasa at pagkilala sa mga programa at pagawain para sa pagpapanatili ng proyekto.
Ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng halagang ₱10,400 na sahod sa loob ng dalawampung araw. Ito ay nakatakdang ibigay sa Hunyo 8, 2025 na pangungunahan ng DSWD – CALABARZON Region, ang ahensya na paggagalingan ng pondo para sa nasabing mga proyekto.
Katuwang ng PGENRO sa pagpapatupad ng nasabing proyekto ang DSWD CALABARAZON Region; PSWDO, OPA at PDRRMO mula sa pamahalaang panlalawigan; at MAO, MENRO at MSWDO ng Lian.
Mula sa PGENRO – Batangas Capitol PIO