November 22, 2024
Matapos ilunsad sa Bayan ng Balayan, 10 na mga benepisyaryo naman mula sa iba’t ibang coastal barangays sa Bayan ng Lemery ang sumunod na napagkalooban ng Micro-Refilling Station ngayong araw, ika-21 ng Nobyembre 2024, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng implementasyon ng Project ALA EEE (Educate, Engage, Empower) Zero Waste Tiangge ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO).
Ang naturang seremonya ng awarding of donations at presentasyon ng konsepto ng proyekto ay pinangunahan ni PG-ENRO Assistant Department Head, Dr. Marivic Esmas, katuwang ang Lemery Municipal Government, sa pamamagitan ng Municipal Environment and Natural Resources Office nito.
Naging bahagi ng programa ang pagpapaliwanag ni Dr. Esmas sa layunin ng ALA EEE Project. Aniya, dahil sa pagiging top ocean plastic contributor ng Pilipinas, nararapat lamang umano na bigyang pansin at maging pro-active sa pagbawas ng plastic waste pollution. Dagdag pa niya, sa tulong ng pagbibigay ng edukasyon, pag-enganyo, at pagkakaloob ng mga pamamaraan para maipaganap nang husto ang proyekto, makakatulong aniya ito sa pagsusulong pa ng zero waste managament, lalo’t higit sa mga basura na nakakaabot sa mga baybayin at karagatan.
Ang micro-refilling station, na isang business model, ay tutugon para makabili ang mga mamamayan sa komunidad ng small-portion refill system o tingi-tingi. Upang makabawas sa pagkonsumo ng mga plastic sachet, na kadalasang mabilis mapunta o maanod sa mga karagatan, gagamit ang mga mamimili ng reusable container para maging pangmatagalang salinan ng kanilang mga pinamiling produkto.
Tinalakay din ni Dr. Esmas kung paano ang magiging tungkulin ng mga benepisyaryo nang sa gayon ay maging sustainble ang proyekto o magtuloy-tuloy. Dito ay dapat magkakaroon ng angkop na bookkeeping o pagtatala ng mga pinagbilhan ang mga benepisyaryo, na imo-monitor ng PG-ENRO, para matiyak na kumikita ang mga ito at nakakatulong sa pagbawas sa micro-plastic pollution.
Ang micro-refilling station ay naglalaman ng mga paunang grocery items at ilang mga kasangkapan sa pagtitinda. Ang mga paunang food and non-food items ang magsisilbing panimula o puhunan ng nga benepisyaryo na kinakailangan nilang mapalago. “Kailangan lamang ng dedication, commitment, at pagiging responsable…Dapat kayo ay maging modelo sa inyong mga barangay para mas ma-engage pa ang iba sa adhikain nating ito,” saad ni Dr. Esmas.
Malaki naman ang naging pasasalamat ni MENR Officer Gary Mendoza, sampu ng mga benepisyaryo, sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagdala ng proyekto sa kanilang bayan upang maging katuwang sa pag-unlad at pangangalaga sa kalikasan.
Samantala, kabilang sa mga nakiisa sa ginanap na aktibidad ang ilang mga kawani ng PG-ENRO at Lemery MENRO. Dumalo rin sa programa ang ilang mga kinatawan mula sa Lemery Pilot Elementary School at mga tanggapan ng Provincial Information Office at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Matatandaan na unang inilunsad ang proyekto sa Bayan ng Balayan. Napili ang dalawang bayan dahil sa pagiging konektado ng mga ito sa Balayan Bay, na itinuturing na fishing ground ng buong Lalawigan ng Batangas.
Ang Project ALA EEE ay naisakatuparan sa pamamagitan ng pagsuporta nina Governor Hermilando Mandanas, PG-ENR Officer Luis Awitan, at PDRRMO chief, Dr. Amor Calayan. Ito ay mula sa innovation project ni Dr. Esmas para sa Development Academy of the Philippines – Local Government Executive and Managers Class (DAP-LGEMC). Mark Jonathan Macaraig / Photos: MacVen Ocampo – Batangas Capitol PIO