August 7, 2024
Nakiisa sa pagdiriwang ng Marine Protected Area Day ang Pamahalaang Panlalwigan ng Batangas, kung saan naging bahagi ng talakayan sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Kapitolyo, ang kahalagahan ng pangangalaga ng marine ecosystems sa lalawigan.
Noong ika-2 ng Agosto 2024, ibinahagi ni Ginoong Alvin Jonson, Chairperson ng Batangas Marine Protection Area Network (BMPAN), ang itinakdang limitasyon ng mga lokal na pamahalaan sa mga maaaring gawin ng mga tao lalo’t higit kung ito ay nakakasira sa marine ecosystem.
Ang pagkakaroon ng mga MPAs ay pinagtibay ng isang ordinansa mula sa mga Sangguniang Bayan na naglalayon na mapangalagaan ang mga tirahan ng isda at iba pang lamang-dagat at hayaang makapangitlog at makapagparami ang mga ito para sa isang malusog at mayamang karagatan.
Ang BMPAN ay nabuo noong 2017 sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement na nilagdaan sa pagitan ng mga pamahalaang lokal ng Batangas, sa pamamagitan nina Governor Hermilando Mandanas at mga mayor ng 13 bayan na may mga nabuo o potensyal na magbuo ng MPA. Isang Biophysical Assessment ang isinasagawa at ipepresenta sa komunidad upang mailahad ang mga benepisyo sa pamamagitan ng public hearing.
Kinakailangang magpasa ng isang Barangay Resolution bilang kahilingan sa Sangguniang Bayan upang maideklara ang nasabing area na MPA. Sa paraang ito, dumadami ang nahuhuling isda sa baybaying dagat na karaniwang ikinabubuhay ng mga tao. Bukod dito, makakatulong rin ito upang hindi gaanong maapektuhan ng mga storm surge ang mga komunidad na nasa tabing dagat.
Sa kasalukuyan, mayroong nang 55 na MPAs sa Lalawigan ng Batangas. Kaugnay nito, layunin ng BMPAN na matulungan at masuportahan ang mga coastal LGUs sa iba’t-ibang gawain na may kaugnayan sa pangangalaga ng mga MPAs at buong tubig munisipal.
Almira Elaine F. Baler – Batangas Capitol PIO