July 18, 2024
Personal na dumalo si Governor Hermilando Mandanas sa isinagawang kauna-unahang Department of Trade and Industry (DTI) Bagong Pilipinas Luzon Town Hall Meeting noong ika-17 ng Hulyo 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.
Sa naging mensahe ni Governor Mandanas, na tumatayong Regional Development Council IV-A Chairperson, malugod ang pasasalamat niya sa DTI sa pagbigay nila ng tiwala sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas upang dito ganapin ang pinaka-unang DTI Bagong Pilipinas Luzon Town Hall Meeting.
Ipinagmalaki rin niya ang lalawigan sa pagkakaroon ng iba’t ibang mga planta at patuloy na pangangalakal sa ibang mga bansa, katulad ng China, Indonesia at Japan.
Sa pangunguna ni DTI Secretary Alfredo E. Pascual, ginawaran ang pamahalaang lalawigan ng Certificate of Appreciation sa pangangasiwa sa pagpupulong. Ilan sa mga isinagawang aktibidad ang paggagawad ng Business Kits para sa mga negosyante na mula sa iba’t ibang bahagi ng Luzon, at ang pagtatanghal ng investment promotion videos ng mga rehiyon sa Luzon.
Sa pamamagitan ng pagtitipon, layunin ng DTI na maipakita ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng Luzon, at ang mga isinasagawang pagtugon, nararapat na aksyon at pagbigay ng tulong sa mga stakeholders at iba’t ibang sektor dito.
Nakiisa rin sa town hall meeting sina 5th District Board Member Arthur Blanco at Provincial Administrator Wilfredo Racelis.
Almira Elaine F. Baler – Batangas Capitol PIO