June 8, 2020
30 na pamilya, karamihan ay mula sa Barangay Buso-Buso sa Bayan ng Laurel, Batangas, ang kinailangang ilikas matapos ang isang flashflood na may kasamang abo at putik na naganap bandang ala-5 ng hapon noong ika-7 ng Hunyo 2020, dulot ng isang localized thunderstorm.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), ang insidente sa Laurel, isa sa mga bayan na nasa paligid ng Lawa ng Taal at direktang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal, ay maituturing na isang flash flood o pagbaha lamang at hindi isang lahar flow dahil mas marami ang tubig kumpara sa mga debris at pyroclastic materials.
Agad namang nagkaroon ng coordination meeting ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Laurel, sa pangunguna ni Mayor Joan Amo. Sa pagtataya sa naapektuhang barangay, 25 na bahay ang naapektuhan ng baha, subalit wala namang naitalang malaking pinsala o napaulat na nasakatan sa pangyayari.
Ayon kay PDRRMO chief, Mr. Joselito Castro, itinalaga ng Kapitolyo ang isang sea ambulance sa lugar, bukod sa naka-standby doon na PDRRMO truck mula pa noong pumutok ang Bulkang Taal. Nakatakda ring makipag-ugnayan ang PDRRMO sa Mines and Geo-Sciences Bureau ng Department of the Environment and Natural Resources para sa isang mas detalyadong pagtataya ng sitwasyon sa Laurel.
Ipinarating din ni Gov. DoDo Mandanas, sa pamamagitan ng PDRRMO head, na nakahandang tumulong ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa mga naapektuhan ng baha.
Nauna nang nagpadala ng payloader truck ang Provincial Engineering Office (PEO) upang tumulong na makayod at maalis ang putik sa Barangay Buso-Buso at karatig na Barangay Banyaga sa Bayan ng Agoncillo. Nakatakda namang dalhin ang backhoe ng PEO bukas (June 9, 2020) para sa mga karagdagang operasyon.
Nagsimula na rin ang ibang clearing operations ng mga apektadong daan, sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways 3rd District at mga Pamahalaang Bayan ng Lemery at Taal.
Ang Barangay Buso-Buso ay nasa loob ng 7-km danger zone radius.
VIA – Batangas Capitol PIO