Patimpalak sa Makabagong Panunula 2022, Idinaos sa Kapitolyo

PHILAM Life and Accident Insurance Benefits, Ipinagkaloob sa mga Pamilya ng mga Namayapang Bantay Dagat Members sa Panahon ng Pandemya
August 29, 2022
Gov. DoDo, Guest Speaker sa Regional Youth Training Program
August 30, 2022

August 30, 2022

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Nasyonalismo, matagumpay na idinaos ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Ika-Limang Patimpalak ng ‘Spoken Poetry’ o Makabagong Panunula na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas noong ika-26 ng Agosto 2022.

Ang nasabing paligsahan ay proyekto at mula sa inisyatibo ni 5th District Senior Board Member Claudette Ambida, katuwang ang Tanggapan ng Panlalawigang Turismo at Ugnayang Pangkultura, Department of Education (DepEd), Batangas City Private Schools Association (BCPRISA) at JCI Batangas Caballero.

Sa gabay ng temang “Mga Lider Kabataan sa Isip, sa Salita at sa Gawa,” binigyan ng tig-3 hanggang 6 na minuto ang 19 na mga kalahok, na pawang mga estudyante mula sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan sa Lungsod ng Batangas upang maipamalas ang kani-kanilang taglay na angking galing at talento sa pagtatanghal ng kanilang orihinal at sariling tula.

Hinirang na kampeon ang STI College Batangas sa katauhan ni Maverick Anderson Rodis. Pumangalawa si Francheska Keira Comia ng Lyceum of the Philippines Batangas, at pangatlo si Hanna Suzanne Magadia ng Maria Learning Center and Science High School Inc.

Ang bawat kalahok naman ay nakatanggap ng sertipiko at premyo, bukod pa ang Educational Assistance mula sa pamahalaang panlalawigan.

Sa naging pahayag ni Bokal Ambida, ang patimpalak ay bahagi ng pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino. Layunin din umano nito na pahalagahan ang wikang pambansa at lalong buhayin ang paggamit ng sariling wika, partikular sa mga lider na kabataan.

Nangako naman ang bokala, na sa abot ng kaniyang makakaya, ay ipagpapatuloy niya at hindi hahayaang maputol ang nasimulang proyekto. Sa katunayan aniya ay naghain na ang kanyang tanggapan ng panukala na palawigin pa ang paligsahan sa buong lalawigan.

Janssen Olimba/Photos–Junjun De Chavez Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.