October 27, 2024
Humarap sa mga miyembro ng media si Batangas Governor Hermilando Mandanas at mga kinatawan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Response Cluster ngayong Oktubre 27, 2024 upang ihatid sa mga ito ang kasalukayang kalagayan ng mga bayan ng lubhang naapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine.
Sa naganap na press conference, ibinahagi ng gobernador ang mga aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, tulad ng pagbibigay ng food and non -food items lalong-lalo na ang mga hygiene kits, para sa mga apektadong mga pamilya; clearing operations para sa mga major road networks na patuloy na barado dulot ng pagbaha at landslide; medical assistance para sa banta ng emerging diseases at trauma management; at pagbabalangkas ng mga hakbang para sa pamamahagi ng mga building materials para sa pagsasaayos ng mga nasirang ari-arian at pagbibigay tulong pinansyal sa mga nawalan ng mga mahal sa buhay na biktima ng landslide.
Ipinabatid din nito sa media ang magiging pagtutok at pagbibigay-pansin sa pagpapanatili ng maayos na kalagayan ng mga natural water ways sa lalawigan at ang pagtukoy sa mga natural and man-made hazards na maaring makapagdulot ng malawakng pagkasira sa lalawigan.
Sa pahayag naman ni PDRMMO chief, Dr Amor Calayan, ayon sa kanilang natanggap na ulat at panayam sa groud zero, ang malaking volume ng naipong tubig sa mga slopes ng mga kabundukan ang nakitang sanhi ng malawakang paglambot ng lupa, na siyang namang bumagsak sa mga bayan sa Ikatlong Distrito ng Batangas.
Sa inisyal na ulat, aabot na sa halagang ₱118,576,333 ang pinsala sa agrikultura sa lalawigan, na nakaapekto sa mahigit isang libong ektaryang lupain at 1,553 na mga magsasaka.
May naitala na ring 1,384 na totally-damaged na mga kabahayan, 3,036 na partially-damaged, habang 27,853 na pamilya o 97, 176 na indibidwal ang na-displaced.
Sa kanyang pagtatapos na mensahe, nanawagan si Gov. Mandanas sa mga kababayan na patuloy na maging matatag at huwag mawawalan ng pag-asa. Narito aniya ang mga katuwang sa gobyerno na patuloy sa pagtulong at pagtugon sa mga nangangailangan dahil ditto sa lalawigan, walang Batangueñong maiiwan.
Edwin Zabarte Batangas Capitol PIO / Photos: Froilan Salcedo Jr.