Pailaw sa Kapitolyo 2024: “Liwanang ng Pagkakaisa” bukas na muli sa publiko

Notice of Vacant Position
November 25, 2024
18-Day Campaign to End Violence Against Women, muling binuksang ngayong taon
November 26, 2024

November 25, 2024

Muling naglingas ang liwanag at nagbigay ningning ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagbubukas ng Paskong Batangueño sa Kapitolyo 2024, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga kawani mula sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, na pinangunahan ni Governor DoDo Mandanas, noong ika-23 ng Nobyembre 2024.

Napuno ng mga Batangueño ang RRM Memorial DREAM Zone sa pagpapasinaya ng Pailaw sa Kapitolyo na sinimulan sa pamamagitan ng isang misa para sa Kapistahan ng Kristong Hari, kung saan nabigyang-daan ang pagbabasbas ng giant Christmas Tree at life-sized Belen bilang simbolo ng pag-asa, pagmamahalan, pagbibigayan at pagpapatuloy ng buhay.

Sa gabay naman ng temang “Liwanag ng Pagkakaisa” (Light of Unity), na sumasalamin sa malasakit at pakikipagkapwa-tao, namahagi ang pamahalaang panlalawigan ng 76 na mga Generator Units at Emergency First Aid Kits para sa ilang mga paaralan at barangay sa lalawigan na lubhang naapektuhan ng Bagyong Kristine, kabilang ang Talisay, Tanauan City, Lipa City, San Luis, Bauan, San Nicolas, Alitagtag, Cuenca, Agoncillo, Laurel, Balete, Lemery, Mabini, Balayan, Calaca, Tuy, Nasugbu, Taal, at Calatagan.

Sa mensahe ng gobernador, layunin nito na maiparamdam ang malasakit at pag-asa, makapagbigay ng tulong, at mapanatiling ligtas at maliwanag, hindi lamang ang Kapitolyo, manapa ay kahit ang pinakamadilim at pinakamalayong mga lugar sa lalawigan.

Bahagi rin ng programa ang isinagawang “Himig, Instrumento at Musika; A Community Talent Show,” kung saan nagpamalas at nagtanghal ang ilang mga talentadong Batangueño ng kanilang mga natatanging husay sa pag-awit, pagsasayaw at pagtugtog ng mga instrumento na kinabibilangan ng mga indibidwal at grupong Natatas Symphonic Band, Ulango Youth Concert Band, MUV, Lyceum Vocal Harmonics, De La Salle Voices, University of Batangas Dance Company, at solo performances mula kina Antonette Sison at Rachel Laylo.

Samantala, ang highlight ng gabi ay ang opisyal na pagpapailaw ng higanteng Christmas tree, na napapalamutian ng mga malalaking regalo at Christmas balls, at may tayog na 60 talampakan. Matatagpuan ito sa harapan ng Capitol Compound, katabi ng DREAM Zone, kung saan naruroon din ang life-sized Belen, at Santa Claus’ Reindeers na napalilibutan naman ng mga Nutcrackers o toy soldiers at iba pang mga dekorasyong Pamasko.

Ang serye ng mga pagpapailaw sa Capitol ground ay agad ring sinundan ng pagpapaliwanag sa main Capitol building, kung saan masasaksihan ang tila umiindak at sumasabay na kutitap ng mga ilaw sa saliw ng iba’t ibang tugtuging Pamasko, at nagtapos naman sa isang kahanga-hangang fireworks display na kinagiliwan ng mga Batangueñong nagsidalo.

Masayang nakiisa sa gabi ng pagdiriwang sina Vice Governor Mark Leviste, Sangguniang Panlalawigan Association of Barangay Captians – Batangas President Board Member Fernan Rocafort, Atty. Angelica Chua-Mandanas, mga pinuno at kawani ng mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, mga opisyal mula sa iba’t ibang pamahalaang lokal, gayun din ang daan-daang mga bumisita at sumaksi sa mga naging masasayang kaganapan.

Ang pagdiriwang na ito, na pinangasiwaan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, ay patunay na ang mga mamamayang Batangueño ay patuloy pa rin na nagsasama-sama sa anumang hamon ng buhay at panahon, nagkakaisa sa lahat ng mga harapin at suliranin, at nananatiling magiting, natatangi at may malasakit.

Bukas naman at maaaring dayuhin ang Pailaw sa loob ng Kapitolyo araw-araw, mula alas-kuwatro ng hapon hanggang alas-dyis ng gabi, hanggang Enero 16, 2025. Mayroon ding Immersive Experience ng Verde Island Passage sa PTCAO Building, Food Park at iba pa.

Ornald Tabares, Jr., Kristal Mae Cabello & Almira Elaine Baler / Karl Ambida & Jun – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.