Pagsirit ng Kaso ng COVID-19, Patuloy na Pinaghahandaan ng Kapitolyo

COVID Cases sa Capitol, Umabot sa 54 na Kawani
March 30, 2021
Forest at Fruit-bearing Tree Seedlings, Ipinamahagi sa mga Bayan ng Batangas Province
March 31, 2021

March 30, 2021


Isolation Facilities Dinadagdagan

Paglalagay ng mga karagdagang isolation facilities ang agad iniatas ni Governor DoDo Mandanas, kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lalawigan ng Batangas.

Sa regular na Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) meeting noong ika-29 ng Marso 2021, binigyang-diin ng gobernador na, bukod sa isolation facilities sa mga district hospitals, isolation facilities sa Malainin, Ibaan at 12 na silid sa isang gusali sa Provincial Sports Complex sa Brgy. Bolbok, Batangas City, mahalagang magkaroon pa ng mga karagdagang pasilidad bilang kahandaan sa pagtugon sa pagtaas ng daily cases ng new corona virus.

Kaagad namang tumalima ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Office, kabalikat ang Provincial Health Office, na kasalukuyang naghahanda ng karagdagang isolation areas sa gymnasium at bagong covered area sa Provincial Sport Complex. Naglalagay din ng pasilidad sa Dream Zone sa Kapitolyo, sa Lungsod ng Batangas, bilang back-up facility para sa mga empleyado ng pamahalaang panlalawigan.

Isinagawa ang mga hakbang dahil puno na ang mga isolation hotels ng OPlan Kalinga sa lalawigan dahil ang mga pasyenteng mula sa National Capital Region at ibang lalawigan ng CALABARZON ay doon din dinadala. Maging ang ibang mga isolation facilities ng lalawigan ay halos puno na rin.

Bukod dito, itinuturing din ito bilang paghahanda sa pinangangambahang posibilidad na pagputok ng Bulkang Taal. Ang mga naitayong karagdagang tents ay maaaring gamitin sa oras o panahon na magkaroon ng evacuation.

Nabanggit din ng gobernador sa pagpupulong na paparating at nalalapit na ang delivery ng mga multi-purpose rescue vehicles, laan sa mga barangay sa buong lalawigan. Layunin ng proyektong ito na mapalakas at mapabilis ang kapasidad ng mga barangay sa pagbibigay ng serbisyo publiko higit lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.

Samantala, muli ring ipinaalala ni Governor Mandanas sa mga kababayan ang kahalagahan ng sama-samang paglaban kontra sa COVID-19 pandemic sa pamamagitan ng pagtalima sa mga alituntuning ipinatutupad ng pamahalaan at pagsunod sa itinakdang Hugas,Iwas at Mask.

Jun Magnaye / Photo: Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.