Pagpupulong sa pagbuo ng Batangas Provincial Anti-Illegal Fishing Task Force, Idinaos

40th National Disability Prevention & Rehabilitation, Ginanap sa Batangas Capitol
August 6, 2018
Provincial Plannning and Development Officer, Nag ulat
August 9, 2018

August 08, 2018

Hindi maikakaila na ang Lalawigan ng Batangas ay mapalad sa pagkakaroon nito ng napakaraming marine-based resources. Sa pamamagitan ng pagbibigay ng mataas at produktibong fishing ground para sa mga lokal at komersyal na mga mangingisda, kasabay ang pagpapalawig sa coastal at marine tourism, nakapagbibigay ng mahalagang kontribusyon ang lalawigan sa pagpapaunlad ng ekonomiya hindi lamang sa rehiyon nitong kinabibilangan pati na rin sa buong bansa.

Gayunpaman, ang mayamang mga palaisdaan at baybayin ng probinsya ay nanganganib sa mga iligal at mapanirang pamamaraan ng pangingisda. Kaya naman, upang higit pang mapalawig ang pagpapatupad ng mga estratehiya at mga batas na sumasaklaw at pumoprotekta sa yamang-dagat ng Batangas, nagkaroon ng isang pagpupulong na magsisilbing unang hakbang at babalangkas sa isang proposed Memorandum of Agreement (MOA) tungkol sa pagbuo ng Batangas Provincial Anti-Illegal Fishing Task Force.

Ang nasabing pagpupulong ay batay sa rekomendasyon at inisyatibo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Regional Office IV-A na ginanap sa tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor noong ika-6 ng Agosto taong kasalukuyan.

Nakapaloob sa Memorandum ng Unawaan ang mga ahensya na magiging kaisa ng Pamahaalang Panlalawigan ng Batangas sa paglikha ng samahan na mangangalaga sa Balayan Bay at mga katabing look nito. Kabilang dito ang Office of the Provincial Agriculturist, Philippine Coast Guard, Department of the Interior and Local Government – Batangas, DENR – Provincial Environment and Natural Resources Office – Batangas, Philippine National Police – Maritime Group at National Intelligence Coordinating Agency.

Nakasaad din sa MOA na si Governor Dodo Mandanas ang itatalagang Chairperson ng Task Force samantalang si Engr. Pablito Balantac naman ang tatayo bilang Vice Chairperson.

Umaasa ang lahat na agarang mabuo ang samahan upang makagawa na ng mas komprehensibong layunin at matukoy ang mga nararapat na aksyon na kinakailangan upang mapanatili ang konserbasyon at proteksyon ng mga baybayin at karagatan sa lalawigan. – Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.