Pagpapatupad ng Batangas Transport and Road Usage Code, tinalakay sa Kapitolyo

Gov. DoDo, Keynote Speaker sa 1st CALABARZON Regional Hospital Summit
August 19, 2019
Bagong gusali sa Dalipit, Alitagtag Elementary School, pinasinayaan
August 20, 2019

August 19, 2019

Isang pagpupulong at konsultasyon ang muling isinagawa kaugnay sa pagbabalangkas sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Batangas Provincial Ordinance No. 008 o ang Batangas Transport and Road Usage Code noong ika-16 ng Agosto 2019 sa Provincial Planning and Development Conference Room, Capitol Compound, Batangas City.

Ang nasabing ordinansa ay naglalayong maisaayos ang transportasyon, batas trapiko at paggamit ng lansangan sa buong Lalawigan ng Batangas, na iniakda ni 5th District Board Member Arthur “Bart” Blanco at sinusugan ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas nitong panimula ng taong 2019. Pormal itong naging batas, nang lagdaan ni Gov. DoDo Mandanas noong ika-4 ng Marso 2019.

Ang pagpupulong na pinangunahan ni retired Col. Anicieto S. Malapitan ng Provincial Public Order and Safety Department (PPOSD) ay nagbigay daan sa isang malayang tanungan at talakayan sa pagitan ng iba’t-ibang transport groups at stakeholders upang maging malinaw ang nilalaman at isinasaad ng nasabing panlalawigang ordinansa.

Ayon sa may-akda ng ordinansa, mahalagang maipatupad na ang batas upang makapaghatid ito ng kaayusan sa lalawigan patungo sa isang maunlad na ekonomiya.

Binigyang-diin nito na makatutulong ang batas sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, at pag-aalis ng mga poste at pagbabawal gawing paradahan ng mga trak ang mga pinalapad na mga kalsada sa lalawigan.

Naging obserbasyon naman ni Batangas City Councilor Nestor Boy Dimacuha na kakailanganin ang political will, barangay intervention, at kooperasyon upang maging matagumpay at epektibo ang isinusulong na ordinasa.

Dumalo sa pagpupulong ang iba’t-ibang transport groups sa lalawigan, mga focal persons ng local government units (LGUs), mga opisyal ng LGUs, Department of Public Works and Highways (DPWH), Philippine National Police (PNP) Batangas, PNP Highway Patrol Group, at Land Transportation Office (LTO).

Nakiisa din sa pagtitipon sina 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, at Ginoong Benjamin Bausas, department head ng Provincial Planning and Development Office.

Pahayag ni Col. Malapitan, buo ang suporta ng PPOSD at ni Gov. DoDo Mandanas sa pagpapadali ng implementasyon ng inihaing ordinansa.

JunJun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.