Pagpapahinga ng mga Look ng Lalawigan ng Batangas, Muling Ipapatupad

Agricultural Modernization ng Batangas, Mas Pinalakas Pa
October 23, 2021
Notice of Vacant Positions
October 25, 2021

October 23, 2021

Muling nagsama-sama kamakailan para sa isang virtual na pagpupulong ang mga miyembro ng Batangas Marine Protected Area and Bantay Dagat Network upang pagtalakayan ang muling pagpapatupad o implementasyon ng Closed Season o “Pagpapahinga ng mga Look ng Lalawigan ng Batangas” sa darating na Disyembre 1, 2021 hanggang Enero 31, 2022.

Napag-usapan din ang mariing pagbabantay sa paggamit ng fine mesh net o pinong lambat, mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2022, upang higit na mabigyan ng panahon na lumaki ang mga juvenile fish o maliliit na mga isda na bunga ng implementasyon ng Closed Season.

Sa gabay ng temang “Panandaliang Sakripisyo, Pangmatagalang Benepisyo,” tinukoy at tinalakay din sa pagpupulong ang iba pang mga paghahanda bago sumapit ang implementasyon, ganun din ang pangmatagalang pagpapatupad nito sa lalawigan sa pamamagitan ng unified ordinance.

Ang nasabing Closed Season ay isang programang ipinatutupad sa lalawigan taun-taon simula pa noong taong 2014. Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ang mga pamahalaang lokal ng Batangas City, Balayan, Bauan, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, San Pascual, Taal at Tingloy.

Katulong din sa gawain ang iba pang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang Provincial Agriculture’s Office (OPA), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Information Office (PIO); Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources – PENRO; at non-government organizations, tulad ng Malampaya Foundation, Inc., Conservation International-Philippines at First Gen Corporation, na gumagawa ng mga pag-aaral at konsultasyon, at nagbibigay ng mga pangangailangang logistics para sa matagumpay at maayos na implementasyon ng programa.

Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng mga enforcement agencies, kabilang ang Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Batangas Philippine National Police (PNP), PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, at mga samahan ng Bantay Dagat, sa pagpapatupad ng Closed Season sa pamamagitan ng pagpapatrolya, pagbabantay at paghuli sa mga lumalabag sa Batas ng Pampangisdaan o Republic Act No. 10654.

Ang Lalawigan ng Batangas ang itinuturing na kauna-unahang local government unit na nagpapatupad ng ganitong programa sa buong Pilipinas, na sinundan na rin ng iba pang mga lalawigan, partikular sa Verde Island Passage.

Ang nasabing gawain ay nagbibigay-daan sa mga isda, kagaya ng Galunggong at Matambaka, na makapangitlog, makapagparami, at mabigyan ng pagkakataong lumaki ang mga juvenile fish o maliliit na mga isda, kung kayat higit na pagtutuunan ng panahon ang pagbabantay sa mga ito bago mahuli ng mga mangingisda. Hangad ng programang muling manumbalik ang sigla ng pangisdaan sa lalawigan, para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at mamamayang nakatira sa tabing-dagat ng Batangas.

Kaugnay nito, ipinagbabawal ang paggamit sa pamalakaya ng basnig, pukutan o pukot, at pangulong o paipot sa munisipal na katubigan ng Batangas sa loob ng dalawang buwan, at fine mesh net o mga pinong lambat sa susunod na tatlong buwan. Bagamat nakasaad na sa Batas Pampangisdaan na bawal ang mga nasabing pamamalakaya sa tubig munisipal, sa panahon ng Seasonal Closure ay mariin pa lalo itong babantayan.

Dahil ang gawaing ito ay bilang pagsunod sa umiiral na batas, hinihiling ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov DoDo Mandanas ang pakikiisa ng mga mangingisdang Batangueño para na rin sa kanilang pang-matagalang kapakinabangan.

Ang petsa ng Closed Season ay natukoy base sa resulta ng mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa bago ang pagpapatupad nito.

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.