September 2, 2019
Pormal na sinimulan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Human Resource Management Office (PHRMO), ang pagdiriwang ng ika-119 na Taong Anibersaryo ng Serbisyo Sibil ng Pilipinas noong ika-2 ng Setyembre 2019.
Sa gabay ng temang “Upholding Integrity and Building a High-Trust Society”, naglunsad ang PHRMO, bilang pakikiisa sa Civil Service Commission (CSC), ng iba’t-ibang gawain na may layuning kilalanin ang katapatan at bigyang-parangal ang bawat isang kawani ng ahensya sa kanilang matapat at hindi matatawarang paglilingkod at paghahatid ng serbisyo publiko sa bawat mamamayan.
Bilang panimula, nagkaroon ng pag-uulat ang PHRMO patungkol sa kanilang patuloy na pagsusumikap na mas maitaas ang antas sa apat nilang dibisyon na kinabibilangan ng Recruitment, Selection & Placement, Career Development, Personnel Relations, at Records Management, na may adhikaing mapalawig pa ang pagtugon sa mga pangangailangan ng bawat kawani ng Pamahalaang Panlalawigan, alinsunod sa mga alituntunin, regulasyon at batas na nasasaklaw ng CSC.
Sinundan naman ito ng isang ceremonial pinning bilang pagkilala sa mga natatanging empleyado o Loyalty Awardees, na naglingkod at nagbigay serbisyo sa loob ng maraming taon.
Hatid pa rin ng PHRMO ang Search for Office and Individual Awardees at Slogan Making Contest, na kinatatampukan ng iba’t-ibang makabuluhang kataga na sumasalamin sa ika-119 na taong pagkakatatag ng serbisyo sibil.
Sa aspeto ng pangkalusugan, sa pakikipagtulungan ng Provincial Health Office, naglaan ang tanggapan ng isang linggong libreng serbisyong medikal para sa bawat isang kawani.
Samantala, ipinaabot naman ni Governor DoDo Mandanas, sa pamamagitan ng isang Audio-Visual Presentation, ang kaniyang pagbati, pasasalamat, at mensahe, kung saan itinuturing nito na ang Civil Service Commission ay isang napakahalagang haligi ng ating lipunan at nagsisilbing gabay para sa bawat isang lingkod bayan na mapangalagaan at patuloy na maitaas ang paglilingkod sa mga mamamayan.
Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO