Pagdiriwang ng 40th NDPR Week sa Bayan ng Bauan, Tagumpay

4th Quarter Report ng Provincial Engineer
November 7, 2018
CALABARZON Provincial Economic Accounts, Ipinakita ng NEDA sa Dissemination Forum sa Kapitolyo
November 8, 2018

November 7, 2018

Naging matagumpay ang isinagawang selebrasyon ng 40th National Disability Prevention and Rehabilitation (NDPR) Week sa bayan ng Bauan noong ika-6 ng Oktubre 2018 na ginanap sa Bauan Municipal Hall Lobby.

Ang nasabing pagdiriwang ay taunang idinadaos sa tulong ng Municipal Social Welfare and Development Office ng naturang bayan sa ilalim ng pamumuno ni Ms. Cynthia Togle, kasama ang mga kawaning naglilingkod sa tanggapan, at katuwang ang Federation of Persons with Disabilities of the Province of Batangas Inc. (FPDPBI), sa pangunguna ng pangulo nitong si Mr. Nelson R. Adante.

Sa temang “Kakayahan at Kasanayan Para sa Kabuhayan Tungo sa Kaunlaran”, naging sentro ng 40th NDPR Week Celebration ang pamamahagi ng grocery items sa may humigit kumulang na 100 miyembro ng samahan ng Persons with Disabilities (PWDs) ng Bauan.

Ang pondong ginamit upang makapagbigay ng mga handog ay galing sa Pamahalaang Bayan ng Bauan na nagkakahalagang Php350,000.00 kung saan ito ang ipinaglaban ni Chairman ng Committee of Persons with Disabilities at Konsehal William Abrahan sa Sangguniang Bayan na nakalaan din para sa iba pang mga gastusin at proyekto.

Sa isang mensahe mula kay Mayor Bojie Casapao, hindi aniya sila magsasawang tumulong sa mga taong may kapansanan at kung ano man ang mga pangangailangan ng mga PWDs ng Bauan, ay gagawin nila ang kanilang makakaya upang sila ay mapagsilbihan.

Sinundan ito ni Vice Mayor Ronald Cruzat na ayon sa bise-alkalde ay dadagdagan pa ang pondo sa susunod na taon upang magamit sa mas marami pang proyekto na ilalatag ng samahan.

Naging bahagi rin ng programa ang pagbibigay kasiyahan sa mga PWDs, at nag handog nga si Mayor Casapao ng isang awitin kasunod ang mga ilang miyembro ng samahan kabilang dito sina Ms. Mari Adao ng Barangay Sto. Domingo at Ms. Jesilyn Deliso ng Barangay Alagao.

Bago matapos ang pagdiriwang ay nagkaroon ng isang pa-raffle na handog naman ni 2nd District Board Member Wilson Leandro T. Rivera.

Lubos naman ang naging pasasalamat ni Mr. Adante, at FPDPBI Vice President na si Wilson Barte sa lahat ng mga dumalo at nagbigay ng suporta lalo na kina Deputy Speaker at Batangas 2nd District Representative Raneo Abu, Municipal Administrator Ryan Dolor at sa lahat ng mga bumubuo ng Pamahalaang Bayan ng Bauan. ✎ Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.