November 29, 2024
Muling ipatutupad sa Lalawigan ng Batangas ang “Pagbabantay sa Munisipal na Katubigan sa Lalawigan ng Batangas” sa darating na Disyembre 1, 2024 hanggang Enero 31, 2025, at mariing pagbabantay kontra sa paggamit ng fine mesh net o pinong lambat, mula Enero 1 hanggang Marso 31, 2025, upang higit na mabigyan ng panahon na lumaki ang mga juvenile fish bunga ng pagbabantay, kaugnay ng temang “Panandaliang Sakripisyo, Pangmatagalang Benepisyo.”
Ang programang ito ay ipinatutupad sa lalawigan taun-taon simula pa noong taong 2014, sang-ayon sa probisyon ng Republic Act 10654 o Philippine Fisheries Code, habang ang mga petsa ay natukoy base sa resulta ng mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa bago ang pagpapatupad nito.
Katuwang dito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ang mga pamahalaang lokal ng Batangas City, Balayan, Bauan, Calaca City, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, San Luis, San Pascual, Taal at Tingloy.
Katulong din sa pagpapatupad ang iba pang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, tulad ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Information Office (PIO); at nasyunal na tanggapan, tulad ng Department of the Interior and Local Government at Department of Environment and Natural Resources – PENRO at CENRO.
Samantala, gumagawa ng mga pag-aaral at konsultasyon, at nagbibigay ng mga pangangailangang logistics para sa matagumpay at maayos na implementasyon ng programa ang mga kasamang non-government organizations, kabilang ang Malampaya Foundation, Inc., Conservation International-Philippines at First Gen Corporation.
Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng mga enforcement agencies, tulad ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Central, Regional and Provincial Offices; Philippine National Police (PNP) – Batangas Police Provincial Office at PNP Maritime Group; Philippine Coast Guard Southern Tagalog at mga Sub-Stations; at mga Bantay Dagat, sa pagpapatupad ng nasabing programa sa pamamagitan ng pagpapatrolya, pagbabantay at panghuhuli sa mga lumalabag sa batas ng pampangisdaan.
Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang itinuturing na kauna-unahang local government unit na nagpaupad ng ganitong programa sa buong Pilipinas, na sinundan na rin ng iba pang mga lalawigan, partikular sa Verde Island Passage.
Ang nasabing gawain ay nagbibigay-daan sa mga isda, kagaya ng Galunggong at Matambaka, na makapangitlog at makapagparami, at mabigyan ng pagkakataong lumaki ang mga juvenile fish o maliliit na mga isda, kung kaya at higit na pinagtutuunan ng panahon ang pagbabantay sa mga ito bago mahuli ng mga mangingisda.
Hangad ng programang muling manumbalik ang sigla ng pangisdaan sa lalawigan, para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at mamamayang nakatira sa tabing-dagat ng Batangas.
Kaugnay nito, ipinagbabawal ang paggamit sa pamalakaya ng Basnig, Pukutan o Pukot, at Pangulong o Paipot sa munisipal na katubigan ng Batangas sa loob ng dalawang buwan, at fine mesh net o mga pinong lambat sa susunod na tatlong buwan.
Bagamat nakasaad na sa Batas Pampangisdaan o Republic Act No. 10654 na bawal ang mga nasabing pamamalakaya sa tubig munisipal, sa panahong mga nabanggit ay mariin pa lalo itong binabantayan.
Dahil ang gawaing ito ay bilang pagsunod sa umiiral na batas, hinihiling ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov DoDo Mandanas, ang pakikiisa ng lahat ng mga kinauukulan, lalo na ang mga Batangueñong mangingisda para na rin sa kanilang pangmatagalang kapakinabangan.
PGENRO – Batangas PIO