February 9, 2018
Matagumpay ang naging operasyon sa 71 kabataang ngo-ngo, may bingot at iba pang facial deformities sa isinagawang Operation HELP a Smile mula ika-3 hanggang ika-10 ng Pebrero 2018 sa Lipa City District Hospital.
83 operasyon ang matagumpay na nakumpleto sa 71 mga batang pasyente, na mahigit kalahati ay ngongo o may cleft palate at ang iba ay bingot o may cleft lips. Ang 51-member medical team na nagsagawa ng mga operasyon ay kinabibilangan ng 18 duktor (8 surgeons, 2 pediatricians at 8 anesthesiologists), mga nurses at support staff.
Ang libreng operasyon na ginanap sa Lalawigan ng Batangas ay isang linggong misyon na magkakabalikat na naisagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Health Office, Philippine American Group of Educators and Surgeons (PAGES); Igan ng Pilipinas Foundation, Inc.; Operation HOPE (Help Other People Excel) ng New Jersey, USA; Crown Lions Club; at mga Rotary Clubs sa Batangas Province.
Samantala, binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas, ang mga miyembro ng Philippine American Group of Educators and Surgeons (PAGES) bilang pasasalamat sa kanilang natatanging pagtulong sa mga kabataang Batangueño na ipinanganak na may kapansanan na magkaroon ng panibagong pag-asa, kumpiyansa sa sarili at mas maayos na kinabukasan.
Ibinahagi rin ni Dr. Elmer David, isang Filipino-American na nagsalita sa ngalan ng PAGES, na ang isinagawang misyon ay isang pambihirang pagkakataon para sa kanila upang makapagbahagi ng libreng tulong at serbisyo sa kapus-palad na mga mamamayan ng Lalawigan ng Batangas at mga karatig bayan.
Ayon pa kay Provincial Administrator Levi Dimaunahan, na tumayong mission coordinator ng operation, 28 taon nang ginawa ng PAGES, na binubuo ng mga Amerikano at Filipino-American volunteer doctors, ang pagtulong na ito sa iba’t bahagi ng Pilipinas. Inaasahan naman ng pamahalaang panlalawigan at ng mga katuwang nito na magkakaroon muli ng ganitong libreng gamutan sa mga susunod na taon. Kimzel Joy T. Delen at Almira M. Eje – Batangas Capitol PIO