September 15, 2017
Dumaan sa isang masusing pagsasanay ang mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas patungkol sa Nutrition Management in Emergencies for Local Government Units na hatid ng Department of Health sa pangunguna ng National Nutrition Council.
Tinutukan sa pagsasanay ang pagbubuo ng Nutrition Clusters sa mga lokal na pamahalaan na siyang naatasan na siguraduhin ang maayos na kalusugan ng mga evacuees at mapigilan ang malnutrisyon na dulot ng pagkagutom sa mga evacuation centers.
Kabilang din sa pagsasanay ang nutritional assessment during emergencies kung saan ang mga kalahok ay dumaan sa isang pagsasanay at practicum kung saan tinuruan ang mga ito ng nutritional assessment methods tulad ng Mid Upper Arm Circumferential (MUAC) measurement at standard height and weight measures.
Ang mga hakbang na ito ay pangunahing makakatulong upang agad na malaman at maberipika ng mga kinauukalan ang pagtama ng malnutrisyon sa nasasakupang populasyon na maaring maapektuhan ng matagalan at malawakang pinsala ng kalamidad at armed conflicts.
Sa pagbuo ng nutrition clusters, masisiguro sa mga emergency situations ang mabilisang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga evacuees at apektadong populasyon, partikular ang mga sanggol, buntis, matatanda at may sakit sa tamang pagkain at nutritional interventions tulad ng mga vitamins and micro nutrients supplementations at infant and young child feeding procedures.
Sumailalim sa pagsasanay mula sa Batangas Capitol ang mga designated NiEm officers mula sa Provincial Disaster and Risk Reduction Management Council, Provincial Health Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Agriculture Office, Provincial information Office, Provincial Engineers Office at Provincial Budget Office, kasama ang mga local government delegates mula sa mga bayan ng Mabini, Agoncillio, Laurel at mga siyudad ng Lipa at Tanauan.
Ang mga ito ay bumuo ng kanilang Nutrition In Emergency Management Plan para sa kanilang mga nasasakupan na siyang pagbabatayan ng mga hakbang na isasagawa laan sa pagpapanatili ng tamang nutrisyon sa oras na tumama ang kalamidad. /Edwin Zabarte; Batangas Provincial Information Office.