No Home Quarantine Policy sa mga Positibo sa COVID-19, Ipatutupad na sa Lalawigan ng Batangas

SUPPLEMENTAL BID NO. 5 – Supply and delivery of 1,000 units rescue vehicles for use of various barangays and municipalities of the Province of Batangas under its Capability Building Program
September 25, 2020
Notice of Vacant Positions
October 6, 2020

September 26, 2020

Ipatutupad na sa Lalawigan ng Batangas ang ‘No Home Quarantine’ Policy para sa mga kumpirmadong kaso sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) simula ika-26 ng Setyembre 2020. Ito ay matapos irekomenda ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang implementasyon nito dahil sa naging mabilis na pagkalat at pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng naturang sakit sa probinsya.

Sa ginanap na Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team visit sa lalawigan noong ika-23 ng Setyembre 2020, na idinaos sa Disaster Risk Evaluation Alleviation Mitigation (DREAM) Zone, Capitol Compound, Batangas City, binigyang-diin ni NTF Chief Implementer, Secretary Carlito G. Galvez, Jr., na 77.1% ng kabuuang aktibong confirmed COVID-19 cases sa lalawigan ay naka-home quarantine o nagpapagaling lamang sa kanilang mga tahanan.

Dagdag pa ng kalihim, ito umano ang nakita nilang pangunahing sanhi sa nasabing problema at kinakailangan na mabigyan ng agarang solusyon nang sa gayon ay makontrol ang patuloy na pagkalat ng pandemya o ang hawaan na nangyayari mismo sa loob ng tahanan.

Kaugnay nito, bilang aksyon ng lalawigan at pagsunod sa inilatag na hakbang ng NTF, matapos ang ginanap na CODE Team Visit, kaagad nagdaos ng isang Executive Committee meeting ang mga opisyal at miyembro ng Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa pangunguna ni IATF-EID Chairperson Governor DoDo Mandanas, upang masusing talakayin sa kung paano mabilisang maipatutupad ang No Home Quarantine Policy sa Batangas.

Ang nasabing pagpupulong ay muling ipinagpatuloy, sa pamamagitan ng pagpapatawag ng emergency meeting via audio and video conferencing, sa pangunguna nina Dr. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer at Vice Chairperson – Provincial IATF, at Dr. Gerald Alday, Incident Commander – Provincial IATF noong ika-24 ng Setyembre kung saan muling nakasama sa komperensiya si Metropolitan Manila Development Authority Chief of Staff at Oplan Kalinga Coordinator Michael Salalima, na miyembro rin ng National Task Force.

Ayon kay Salalima, emerging hotspot na ang lalawigan dahil sa patuloy na pagtaas sa trend ng mga naitatalang positibong kaso. Tiniyak naman na nakahanda ang NTF na magbigay-suporta sa mga pangangailangan ng lalawigan sa implementasyon ng naturang polisiya.

“The time is now”, pahayag ni Provincial Administrator Librado Dimaunahan patungkol sa extractrion o pagbubukod ng mga pasyenteng may COVID-19.

Dahil sa dami ng bilang ng aktibong kaso na positibo sa sakit, malaking hamon kung saan ilalagay ang mga pasyente. “Kapag asymptomatic we will put them into hotels. Kapag may symptoms, ilalagay natin sa Temporary Treatment Monitoring Facilities (TTMF), kung medyo delikado o kritikal ay sa hopsitals”, paglilinaw ni Salalima.

Sa lalawigan, ang mga pasyente na walang ipinapakitang sintomas ang may pinakamaraming bilang kaya dito ilalaan ang paggamit sa mga hotels at iba pang tourism accommodations, na magsisilbing mga pasilidad sa pagpapaganap ng Oplan Kalinga program. Katuwang ang Department of Tourism sa pag-identify at accreditation ng mga gagamiting pasilidad at pangungunahan naman ng Department of Health at Philippine National Police – Batangas ang koordinasyon at pamamahala sa mga ito 24/7.

Bukod sa pagsunod sa health and safety protocols at pagkakaroon ng proper containment strategies upang hindi magdulot ng takot o pangamba para sa mga nakatira sa residential houses na katabi ng mga gagamiting hotels, nabanggit din ni MMDA Chief of Staff Salalima na isa sa tutukan ng NTF ang kaligtasan at seguridad ng mga pasyente na naka-isolate.

Kinakailangan lamang dalhin ng mga pasyente ang kanilang Identification Card, Accomplished Consent Form, mobile phone, masks, towels, toiletries, sapat na dami ng damit o kasuotan, at maintenance medicines na tatagal sa loob ng 14 days o itinakdang bilang ng araw ng isolation period.

“Hindi naman kailangan maraming dala, dahil hindi naman lalabas ng kwarto. Naka-wifi sila, naka-internet, naka-aircon, may hot and cold shower…ang pagkain ay libre, breakfast, lunch, at dinner”, dadag pa ni Salalima.

Kung sakaling mayroong kagustuhan o nais ipabili ang mga pasyente hindi pahihintulutan na magpabili ang mga ito sa mga hotel staff. Mga kamag-anak lamang ang maaaring bumili at mahigpit na susundin ang mga itinalagang protocols upang maipaabot ito sa mga COVID-19 patients.

Sa medical triaging, magsisimula ang proseso sa City at Municipal Health Officer, na magbibigay ng opisyal na listahan ng mga confirmed COVID-19 patients at sertipikasyon na ang isang pasyente ay positibo sa sakit at asymptomatic, at pagkatapos ay dadaan sa pangangasiwa ng Provincial Health Office bago maipasok sa mga itinalagang hotels.

Sa usapin naman sa transportasyon o paglilipat ng mga pasyente, sagot umano ng Pamahalaang Nasyunal at NTF ang transport services. Ito ay bahagi ng Bayanihan 2 Law, na kamakailan lamang ay pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan, ayon kay Salalima, ay hindi lamang naka-sentro sa National Capital Region kung hindi pati na rin lahat ng rehiyon, probinsya, lungsod, at munisipalidad na nangangailangan sa pagharap sa epekto dulot ng pandemya.

Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan, ang mga lokal na pamahalan ay kinakailangan upang magsilbing House Parent na mamamahala sa kabuuang transportation process ng mga pasyente mula sa pick-up point hanggang sa isolation facility. Isa rin sa gampanin ng house parent ang mangasiwa sa kaayusan ng mga pasilidad kabilang ang mga problema na ipinaparating o nararanasan ng mga pasyente.

“Hanggat kailangan ninyo po kami, hindi po kami aalis. Hanggat hindi po bumababa ang mga kaso, hindi po kami aalis”, tugon ni Salalima sa katanungan ni Dr. Alday sa kung hanggang kailan aalalay ang NTF sa lalawigan.

Binigyang-linaw din ni Oplan Kalinga Coordinator Michael Salalima ang isyu kung sakaling hindi pumayag ang isang pasyente na positive sa COVID-19 na magpalipat o bumukod sa mga itatalagang hotel. Ayon sa kaniya, mahalaga na mahikayat ang mga ito sapagkat ito rin ay para sa kanila. Sa dumarami umanong kaso, sa ganitong interbensyon, maiiwasan ang hawaan sa pamilya o sa tahanan.

Importante rin aniya na susugan ang implementasyon ng No Home Quarantine Policy ng mga batas na sasaklaw sa pagpapaganap nito.
Ipinahayag naman ni Vice Governor Mark Leviste na maglalaan ang Sangguniang Panlalawigan ng isang special session, para makabuo ng ordinansa o resolusyon na gagabay habang ipinatutupad ang naturang hakbang.

Lubos namang ikinatuwa ni Salalima ang nakikita niyang pagkakaisa ng lahat ng mga opisyal ng lalawigan, na nagpapakita umano na ang Batangas ay tulong-tulong para sa iisang hangarin.

Samantala, ilan din sa natalakay sa pagpupulong ang pagsisimula ng aggressive testing kung saan prayoridad ang mga lungsod at munisipalidad na may matataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso, at pagkakaroon ng lalawigan ng isang designated command center na kinakailangan naman sa implementasyon ng One Hospital Command na may layuning pag-isahin ang monitoring efforts sa mga pampubliko at pribadong ospital upang magkaroon ng real-time assessment. Ito ay magiging daan para masubaybayan ng command center sa Maynila ang sitwasyon pagdating sa probinsya, sa mga lungsod, at mga munisipalidad.

Kaugnay nito, iminungkahi ni Provincial Administrator Dimaunahan na maaaring maging command center ng lalawigan ang operations center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na ginamit na rin noong pumutok ang Bulkang Taal, Enero ng taong ito.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
7

Comments are closed.