No Home Quarantine, Agresibong Mass Testing ipinatutupad sa Lalawigan ng Batangas

Mga Kawani ng Batangas Capitol na Nagpositibo sa COVID-19, Nadagdagan Pa
October 9, 2020
Higit 5K Sumailalim sa Isinagawang Libreng 4-day Mass Testing
October 10, 2020

October 9, 2020

No Home Quarantine. Sinundo ng mga health workers ang mga asymptomatic patients sa iba’t ibang bayan sa Lalawigan ng Batangas at dinala sa mga isolation hotels, matapos ipatupad ang No Home Quarantine Policy sa buong Lalawigan ng Batangas, Isa ito sa mga estratehiyang kinakailangang ipatupad ng probinsya upang labanan ang pagtaas ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19). Photo: Junjun De Chavez / Batangas Capitol PIO

Mahigpit nang ipinatutupad ang No Home Quarantine Policy sa buong Lalawigan ng Batangas, matapos itong irekomenda ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team, sa pamumuno ng mga opisyal ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), bilang isa sa mga estratehiyang kinakailangang ipatupad ng probinsya upang labanan ang pagtaas ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Isinagawa naman noong ika-3 hanggang ika-6 ng Oktubre 2020 ang Aggressive Community Testing Program na isinagawa sa Don Manuel Lopez Memorial District Hospital sa Balayan, DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas, at Laurel Memorial District Hospital sa Lungsod ng Tanauan.

Isa rin itong magkatuwang na proyekto ng National Task Force Against COVID-19 at ng Batangas Provincial Inter-Agency Task Force, na inaasahang makapagsasagawa ng 5,000 swab tests sa loob ng apat na araw.

Sinimulan ang pagsundo sa mga asymptomatic patients mula sa kanilang mga tahanan noong ika-26 ng Setyembre 2020 at dinala sa mga itinalagang isolation hotels sa lalawigan. Ang pagpapaganap ng nasabing polisiya ay pinangunahan ng NTF at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang mga opisyal ng Oplan Kalinga Program, Batangas Provincial Inter-Agency Task Force, mga local government units (LGUs) sa lalawigan, at iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan.

Binigyang-diin ni Gov. DoDo Mandanas at Metropolitan Manila Development Authority Chief of Staff at Oplan Kalinga Coordinator Michael Salalima na napakahalaga na maging matagumpay ang implementasyon nito dahil isa ito sa tutugon sa mabilis na pagkalat at pagtaas ng bilang ng mga nahahawaan ng virus sa probinsya. Dahil sa pagtigil ng mga positibong pasyente sa kanilang mga bahay, nahahawa ang kanilang mga kapamilya.
Simula nang ito ay ipatupad, ang pamahalaang panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Health Office, ang nagsisilbing tagapamahala at nakikipag-ugnayan sa mga LGUs para sa paglilipat at transportasyon ng mga pasyenteng asymptomatic papunta sa kanilang titigilang mga hotel.

Ayon pa kay Gov. Mandanas, inaalagaan ng pamahalaang panlalawigan ang mga miyembro ng National Task Force na gumaganap sa nasabing mga proyekto, kabilang ang lahat ng gastusin sa accommodations, pagkain at iba pang mga logistical needs.

Sumulat din ang gobernador sa NTF na isama na rin ang mga may mild symptoms na pasyente, na mas makakahawa at nangangailangan ng medical assistance, sa isinasagawang pagsundo ng Oplan Kalinga upang madala sa mga temporary treatment and monitoring facilities.

Nagpapasalamat ang pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna nina Governor Mandanas at Vice Governor Mark Leviste, sa patuloy na pag-agapay ng pamahalaang nasyunal at kooperasyon nga mga Batangueño sa sama-samang kampanya upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.