Multi-Purpose Covered Court sa Brgy. Tayuman sa Lobo, Pinasinayaan na

Invitation to Submit Quotation (Small Value)
June 10, 2022
140 Certificates of Lot Eligibility, Financial Assistance, Ipinamahagi sa mga Taal Volcano Evacuees
June 12, 2022

June 12, 2022

Pinangunahan ni Batangas Provincial Engineer Gilbert Gatdula, bilang kinatawan ni Governor DoDo Mandanas, ang isinagawang blessing at inauguration ceremony para sa katatapos lamang na proyektong multi-purpose covered court sa Barangay Tayuman sa Bayan ng Lobo noong ika-5 ng Hunyo 2022.

Ang naturang covered court ay proyekto ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas mula sa ‘Handog Imprastrakturang Maayos’ program ni Governor Mandanas, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng Provincial Engineering Office (PEO).

Nahati sa dalawang bahagi o phase ang konstruksyon ng proyekto kung saan ang phase 1, na nagsimula noong ika-19 ng Agosto 2020 at nagtapos noong ika-8 ng Enero 2021, ay may kabuuang pondo na umabot sa mahigit sa ₱4.7 milyon. Ang phase 2 naman ng pagsasagawa ng multi-purpose covered court, na may laang pondo na nagkakahalaga ng ₱1.7 milyon, ay sinimulan noong ika-14 ng Pebrero 2022 at nakumpleto noong ika-13 ng Abril.

Ayon sa PEO, ang unang yugto ng proyekto ay para sa konstruksyon ng mismong covered court, habang ang ikalawang phase nito ay sumakop sa electrical at structural works tulad ng paglalagay ng mga tie-beams, cladding, flashing, hanging, at pagkakabit ng basketball goals o hoops.

Ang pinagtayuan naman na lote ng covered court, na may lawak na 700 square meters, ay mula sa lupain na ipinagkaloob ng dalawang pribadong indibidwal sa Barangay Tayuman.

Malaki ang naging pasasalamat ni Carlos Magtibay, punong barangay ng Tayuman, para sa pagpapatayo ng nasabing covered court na magiging venue para sa maraming aktibidad at mga programa ng barangay at mga mamamayan nito. Bukod dito, maaari rin itong magsilbing evacuation area sa panahon ng kalamidad at sakuna.

“Maraming makikinabang sa proyektong ito na multi-purpose covered court, hindi lamang taga-Brgy. Tayuman, manapa’y ang buong [bayan] ng Lobo,” ani Magtibay sa kaniyang Facebook post bago umpisahan ang phase 2 ng proyekto.

Samantala, nakiisa rin sa isinagawang pagbabasbas at pagpapasinaya ng covered court si 2nd District Board Member Arlene Magboo, na isa sa mga tumulong upang mabigyan ng katuparan ang kahilingang proyekto ng barangay. Dinaluhan din ang pagtitipon ng mga opisyal ng pamahalaang barangay ng Tayuman.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/Photo: Engr. Gilbert Gatdula

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.