August 16, 2024
Nagtungo si Gobernador Hermilando I. Mandanas ngayong araw, ika-16 ng Agosto 2024, sa tanggapan ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) sa Diliman, Quezon City upang talakayin ang mahahalagang inisyatiba na layong patatagin ang imprastruktura ng agrikultura sa lalawigan.
Sa isang pagpupulong kasama si Kalihim Francisco Tiu Laurel ng DA, inilahad ni Gov. Mandanas ang ilang pangunahing proyekto tulad ng konstruksyon ng Deep Sea Fish Ports at pagbuo ng Regional Food Terminal Project.
Ang mga proyektong ito ay naglalayong mapabuti ang imbakan at distribusyon ng mga pangunahing produkto tulad ng asukal, molasses, grains, bigas, at pataba.
Binigyang-diin ng gobernador ang estratehikong lokasyon ng Batangas, lalo na dahil sa pagkakaroon ng mga power plant sa lalawigan, na siyang magsisilbing malaking tulong sa pagtatatag ng fish ports at cold storage facilities. Ang mga ito ay inaasahang magreresulta sa pagbaba ng presyo ng mga pangunahing produktong agrikultural, na makikinabang ang mga mamamayan at mga magsasaka.
Nagpakita naman ng positibong tugon si Kalihim Tiu Laurel at binanggit na maaaring isama ang mga nasabing proyekto sa budget ng kanilang ahensya.
Ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapalakas ng agrikultura sa Batangas at sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng pagkain sa rehiyon.
Kasama ni Gov. Mandanas sa nasabing pagpupulong sina Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo Bautista, PPDO Assistant Department Head Medel Salazar, at Batangas Provincial Government Fisheries Consultant Engr. Marcos Umbana.
Jun Magnaye – Batangas Capitol PIO