November 30, 2024
Itinanghal na “Natatanging Pamilyang Batangueño” ang Pamilya Hernandez ng Bayan ng San Luis at “Huwarang Pantawid Pamilyang Pilipino” naman ang Pamilya Alvarez ng Bayan ng Lemery sa isinagawang 26th Gawad Parangal ng Huwarang Pamilyang Batangueño 2024 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong ika-27 ng Nobyembre 2024 sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Lungsod ng Batangas.
Sinimulan ang programa sa isang misa, na dinaluhan ng mga opisyal ng Kapitolyo, sa pangunguna nina Governor DoDo Mandanas, kasama ang kaniyang may bahay na si Atty. Angelica Chua-Mandanas, at Provincial Social Welfare and Development Office Department Head Etheldrida Luistro.
Sa inspirational Message ng gobernador, isinaad niya na ang pagpapahalaga sa pamilya ay walang humpay at kinakailangan ng tiyaga at pagiging mabuting ehemplo sa pamilya at maging sa kapwa. Dagdag pa niya na ang pagiging matatag, mapagmahal at bukas sa mga hamon ng buhay ay susi sa pagbuo ng isang huwarang pamilya.
Layunin ng Natatanging Pamilyang Pilipino Search na kilalanin at bigyan ng parangal ang mga huwarang pamilyang Pilipino na may malaking kontribusyon sa pagbuo ng bansa at pag-unlad ng pamilya bilang pundasyon ng lipunang Pilipino. Proyekto ito ng National Committee on the Filipino Family (NCFF) sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development Office (DSWD). Nais din nitong maipakita ang matatag, maginhawa at panatag na Pamilyang Pilipino, habang tinitingnan din kung paano nila kinakayang harapin ang mga hamon ng buhay at nakasasabay sa mabilis na pagbabago sa lipunan.
Pinangunahan ng PSWDO ang isinagawang screening sa mga naging nominadong pamilya mula sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan. Nakatanggap ng ₱25,000 ang nagwaging Natatanging Pamilya nina San Luis Mayor Oscarlita Hernandez at kanyang maybahay na si Filomena. Samantala, nahirang na 2nd placer ang pamilya nina Nepomuceno at Irenea Umandap Family ng Barangay As-is, Laurel at nanalo ng ₱20,000, 3rd placer pamilya nina Venancio at Celestina Serrano ng Barangay Calangay, San Nicolas at nakatanggap ng ₱15,000, at 4th placer ang pamilya nina Pedro at Sonia Reyes ng Barangay 4, Poblacion, Mataas na Kahoy at nakakuha ng ₱10,000.
Napagkalooban naman ang pamilya nina Manolito at Felisa Sales ng Barangay Tangob, Lipa City, pamilya nina Teodoro at Theresa Exconde ng Brgy. Inosluban, Lipa City, at pamilya nina Mario at Joenalyn De Leon ng Barangay Padre Castillo, San Pascual ay nakatanggap ng tag ₱5,000 bilang Consolation Prize.
Kasabay nito, kinilala rin ng DSWD IV-A – Provincial Operations Office ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang mga nagwagi sa taunang Provincial Search for Huwarang Pantawid Pamilyang Pilipino, na nagbibigay-diin sa kahalagahan ng partisipasyon ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa pagpapabuti ng kalagayan ng kanilang buhay bilang halimbawa ng kanilang matibay na ugnayang pampamilya, positibong mga pagpapahalaga sa pamilya, at may mabuting epekto sa komunidad kung saan sila naninirahan.
Nakamit ng pamilya ni Sharon Alvarez ang parangal na Huwarang Pantawid Pamilyang Pilipino 2024 at nakatanggap ng ₱5,000. Pumangalawa ang pamilya ni Josdphine Hitosis ng Bayan ng Ibaan na nakatanggap ng ₱3,500, pumangatlo ang pamilya ni Olinga Sultan ng Lipa City na nakakuha ng ₱2,500, at pang-apat ang pamilya ni Mary Ann Babadilla ng Bayan ng Sta. Teresita na nakatanggap naman ng ₱1,500.
Itinataguyod din ng pagiging modelong pamilya ng 4Ps ang pagpapalakas ng ugnayan, tamang paggamit ng mga cash grant at pagkakataon, pamumuno at pakikilahok sa komunidad, at ang pagtutok sa pagpapabuti ng kalagayan ng buhay.
Almira Elaine Baler / Maccvenn Ocampo – Batangas Capitol PIO