Pina-iimbestigahan ng Sangguniang Panlalawigan ang masangsang at mabahong amoy na nagmumula sa isang kompanya sa Barangay Sta. Teresita, Lungsod ng Sto. Tomas, na Inirereklamo ng mga residente sa Baranga Plaridel at San Lucas sa Lungsod ng Lipa at Barangay Sta. Teresita sa Lungsod ng Sto. Tomas.
Isa ito sa mga naging paksa ng Committee Hearing noong ika-7 ng Hunyo 2021 ng Committee on Environmental Protection, sa pangunguna ni 2nd District Board Member Wilson Rivera, na nagpasyang paimbestigahan ang nasabing hinaing ng mga nakatira sa magkakatabing mga barangay sa boundary ng Lipa at Sto. Tomas.
Ang reklamo ay naipabatid sa mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan sa privilege speech ni Vice Governor Mark Leviste, na ibinahaging ilang mamamayan ang lumapit sa kanya upang ipaalam ang umaalingasaw na mabahong amoy sa barangay. Ayon daw sa kuwento ng mga taga-roon, ang masangsang na amoy ay nagmumula sa compound ng isang kompanya sa Barangay Sta. Teresita at humahalimuyak pagsapit ng hapon hanggang gabi.
Dagdag pa ng Batangas Vice Governor sa B’yaheng Kapitolyo, ang official radio program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na nagiging dahilan na ng pagsakit ng tiyan ng ilang mga residente sa mga nasabing barangay ang hindi kaaya-ayang amoy na ito.
Mon Antonio A. Carag III – Batangas Capitol PIO