Magsasagawa ng mangrove assessment at survey sa mga coastal towns ng Lalawigan ng Batangas upang matukoy kung gaano kalawak ang mangrove at sea grass areas at ang mga uri nito.
Kabilang ito sa mga proyektong nakatakdang isagawa sa huling bahagi ng 2021 ng Provincial Government Environment and Natural Resources (PGENRO), katuwang ang pribadong sektor, upang mapahusay, maprotektahan at mapanatili ang isang malusog, malinis at mayamang kapaligiran sa buong lalawigan.
Sa isang online meeting sa pagitan ng PGENRO at First Gen Corporation, napagtalakayan ang mga programa para sa 3rd at 4th quarter ng taon.
Napagkasunduan ding isagawa ang pagtukoy sa iba’t-ibang mga capacity building activities na makakatulong sa mga Marine Protected Area (MPA) Lead Persons, na karaniwang mga Municipal Environment and Natural Resources Officers at Municipal Agriculturists, ganun din ang mga kasapi ng Bantay Dagat upang patuloy na madagdagan ang kanilang kaalaman para sa pangangalaga ng kapaligiran.
Pinag-aaralan din ang mga insentibong maaaring ipagkaloob sa mga Bantay Dagat members, tulad ng insurance benefits at identification cards, na magagamit ng mga ito sa pagpapatrolya para maprotektahan ang karagatan laban sa mga iligal na gawain.
Patuloy ang PGENRO, sang-ayon sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas, sa mga serbisyo publiko sa kabila ng umiiral na pandemya.
PG-ENRO – Batangas Capitol PIO