Mandanas Ruling, Tiyak na ang Pagpapatupad sa 2022 dahil sa EO 138

Notice of Vacant Position
June 17, 2021
Request for Quotation – PURCHASE OF DRUGS AND MEDICINES (AMLODIPINE 5MG TABLET, CETIRIZINE 10 MG TABLET, ETC.) FOR USE OF PATIENTS CONFINED/QUARANTINED AT BATANGAS PROVINCE COVID FACILITIES
June 17, 2021

June 17, 2021

Tungo sa mas malakas na mga LGUs. Dahil sa implementasyon ng Mandanas Ruling mula sa 2022, lalaki ang pondong matatanggap ng mga lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas para maisakatuparan ang mga kinakailangang proyekto, lalo na ang mga basic services sa bawat lokalidad. Batangas Capitol PIO

Inaasahan ang pagpapatupad ng full devolution o ganap na pagsasalin ng kapangyarihan at resources, sang-ayon sa 1991 Local Government Code (LGC), mula sa pamahalaang nasyunal patungo sa mga local government units (LGUs) simula sa Fiscal Year 2022 hanggang 2024.

Ito ay sa pamamagitan ng paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order 138, na nagtatakda sa “Full Devolution of Certain Functions of the Executive Branch to Local Governments, Creation of a Committee on Devolution, and for other purposes.”

Dahil sa EO 138, matitiyak ang maayos na pagsasakatuparan ng desentralisasyon ng pamahalaan, na nakasaad sa 1987 Constitution at LGC, kabilang ang pagtaas ng kabahagi ng mga LGUs sa mga pambansang buwis na itinadhana ng Korte Suprema sa kanilang Mandanas Ruling, na inilabas noong ika-3 ng Hulyo 2018.

Noong 1991, nang maging batas ang LGC, sinimulan ang paglilipat ng implementasyon ng mga basic services at mga pasilidad sa mga LGUs. Nakabatay ito sa paniniwalang ang mga LGUs ay nasa mas angkop na katatayuan upang matugunan ng wasto ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan dahil mas nakikita nila ito, kumpara sa pamahalaang nasyunal. Subalit hindi naging ganap ang debolusyon dahil ang mga pondong kinakailangan sa pagpapatupad nito ay hindi naisalin ng buo sa mga LGUs.

Maging ang pagbabahagi ng buwis ay hindi naging puspusan, na kinailangan pang maghain ng petisyon sa Korte Suprema noong Agosto 2013 sina Gov. DoDo Mandanas at dating Bataan Gov. Enrique Garcia, Jr., nang sila ay mga kinatawan pa ng kani-kanilang distrito sa Mababang Kapulungan, upang maitama ito.

Sa Mandanas-Garcia Ruling, kinatigan ng Korte Suprema ang nasabing petisyon, at itinakdang, sang-ayon sa sa 1987 Constitution, dapat manggagaling sa lahat ng national taxes, hindi lamang mula sa National Internal Revenue taxes na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang kabahaging pondo ng mga LGU. Dahil dito, tataas ang pondong batayan ng National Tax Allotment na magbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng pagkakataon na mabilisang maipatupad ang mga kinakailangang proyekto, lalo na ang mga basic services sa bawat lokalidad.

Dahil sa EO 138, maisasakatuparan ang pagkakaroon ng isang local government structure na may pananagutan at tumutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, at kung saan ang mga LGUs ay magagawaran ng mas malawak na awtonomiya, kapangyarihan, awtoridad, responsibilidad at kakailanganing pondo. Iginiit din sa nasabing kautusan na kinakailangang siguruhin ng mga local chief executives na ang mga pondong makukuha ng mga LGU ay gagamitin muna sa basic services at facilities, bago ilaan sa ibang mga proyekto.

Maghahanda ang mga national government agencies at LGUs na kani-kanilang devolution transition plans (DTP), na tumatalima sa mga alituntuning ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) at Department of the Interior and Local Government (DILG). Tutukuyin din sa mga DTP ang mga functions at services na ibaba sa mga LGUs, at ang istratehiyang gagamitin sa maayos na pagpapatupad ng mga ito.

Magtatatag naman ng isang Committee on Devolution (ComDev) na mangangasiwa at magmo-monitor sa pagpapatupad ng mga layunin ng administrative at fiscal decentralization; lumutas sa mga isyu at usapin na maaaring maganap; siguruhin ang maayos na pagpapalabas ng mga kabahaging pondo ng LGUs; at tiyakin ang tuloy-tuloy na serbisyo publiko ng mga sangay ng pamahalaang nasyunal at LGUs.

Ang ComDev ay pamumunuan ng DILG Secretary bilang co-chairperson, katuwang ang Kalihim ng DBM. Kabilang sa mga committee members ang Socioeconomic Planning Secretary; Secretary of Finance; Executive Secretary; at mga pangulo ng mga Liga ng mga Provinces, Cities and Municipalities of the Philippines; Liga ng mga Barangay ng Pilipinas, at Union of Local Authorities of the Philippines.

Nakapaloob din sa EO ang pagpapanukala ng isang Growth Equity Fund (GEF) sa Kongreso, na magsisilbing pondo para sa mga proyektong nakatuon sa mga mahihirap, disadvantaged, at nahuhuling mga LGUs upang matulungan silang maisakatuparan ang mga responsibilidad na nakaatang sa kanila dahil sa magaganap ng debolusyon.

V. Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.