April 3, 2019
Muling inilunsad ang School-On-Air on Corn o mas kilala bilang MAISkwelahan sa Radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Agricultural Training Institute (ATI) Region 4A, noong ika-1 ng Abril 2019 sa Office of the City Veterinarian and Agricultural Services, Batangas City.
Katulong ang Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) at mga Local Government Units (LGUs), muling naisakatuparan ng ATI ang programa, na may titulo ngayong taon na “ALA EH: MAISKWELAHAN SA BATANGAS”, na naglalayong makapagbigay ng kaalaman patungkol sa mga makabagong teknolohiya, oportunidad sa merkado at Good Agricultural Practices (GAP) para sa pagkakaroon ng isang sustainable corn production.
Ang MAISkwelahan sa Radyo ay inaasahang lalahukan ng 500 corn farmers at iba pang interesado sa proyekto, gaya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW), estudyante, retirees at iba pa, mula sa mga Munisipalidad ng Nasugbu, Lian, Calatagan, Calaca, Lemery, Agoncillo, Malvar, Sto. Tomas, Ibaan, Rosario, San Juan, San Jose, Talisay, at San Pascual at mga Lungsod ng Batangas, Lipa at Tanauan.
Nakatakda itong magsimula sa ika-4 ng Mayo at tatagal ng labing-apat na linggo o hanggang ika-3 ng Agosto, kung saan tatalakayin ang mga modules na binubuo ng dalawampung paksa.
Ang School-On-Air ay isasahimpapawid sa himpilang DWAL FM 95.9 Radyo Totoo at naka-iskedyul tuwing araw ng Sabado, sa ganap na ala-una hanggang alas-dos ng hapon.
Ang isang indibidwal o magsasaka ay maaaring magparehistro at mag-enroll upang maging bahagi ng naturang programa. Dito ay matututo sila sa pamamagitan lamang ng pakikinig kahit nasa trabaho o bahay lamang.
Sa tulong ng OPAg, na magsisilbing radio teacher, at kasama ang mga LGUs, mamo-monitor ang mga partisipante sa pamamagitan ng mga pagsusulit at tanong habang on-air ang programa, na may mga kaakibat na premyo para sa unang makakapag-text ng mga tamang sagot.
Samantala, nakiisa rin at naging kaakibat sa program launching ang Batangas State University. Magiging katulong din sa pagsasagawa ng SOA proper ang ilang mga ahensya at grupo gaya ng Regional Crop Protection Center (RCPC); Department of Agriculture Regional Field Unit IV-A; Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization; at mga feed millers, processors, at exporters ng mais sa lalawigan.
Ang School-On-Air on corn farming ay inumpisahan sa lalawigan noong taong 2016 bilang isang proposal-based program at isinasagawa batay sa kahilingan ng mga nagnanais nito. ✎ Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO