LPU Batangas, itinanghal na Kampeon sa 18th DTI Provincial Tanghalang Pangmamimili

HIV Awareness and Family Planning Seminar, isinagawa sa Batangas City
October 7, 2019
Notice of Vacant Position
October 8, 2019

October 7, 2019

Itinanghal na kampeon at nagkamit ng ₱10,000 cash prize at tropeo ang Lyceum of the Philippines University – Batangas, mula sa anim na grupong lumahok at nagpamalas ng angking-galing sa pag-arte at pagtatanghal, sa idinaos na 18th Department of Trade and Industry (DTI) Provincial Tanghalang Pangmamimili na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong ika-3 ng Oktubre 2019.

Ang buwan ng Oktubre kada taon, alinsunod sa Proclamation No. 1098 of 1997, ay idineklara ng pamahalaan bilang Consumer Welfare Month. Bilang bahagi ng pagdiriwang, muling pinangunahan ng DTI – Batangas, na pinamumunuan ni Provincial Director Desiderio G. Jurado III, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Department of Education – Batangas, at Jollibee Foods Corporation, ang taunang paligsahan.

Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpepresenta ng isang skit o stage play, kung saan target participants ang mga drama guilds sa junior at senior high schools ng iba’t-ibang pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan.

Sa gabay ng temang “Sustainable Consumption: Undestanding the Impact of Consumer’s Choices in a Shared Environment,” binigyan ng tig-20 minuto ang bawat grupo upang maipakita at maitaas ang kamalayan ng mga tao sa consumerism o makapagbahagi ng consumer education and information.

Bukod sa pagkakahirang sa LPU Batangas bilang provincial winner, nasungkit din ng paaralan ang Best Script, at Best Director sa katauhan ni Mr. Peregrine Santiago.

Panalo naman bilang 1st runner up ang Batangas Province High School for Culture and Arts (BPHSCA), na nakatanggap ng ₱7,000 cash prize at tropeo, at ang Lodlod Integrated National High School, na 2nd runner-up at nakakuha rin ng Best Cheer Award, ay nag-uwi ng ₱5,000 cash prize at tropeo.

Kinilala naman ang mga indibidwal na husay nina Sherly Mae Ong, bilang Best Female Performer, at Joaquin Pimentel, bilang Best Male Performer, na kapwa mula sa BPHSCA.

Samantala, ang kampeon na LPU Batangas ang magsisilbing kinatawan ng lalawigan, at tutulak sa Cavite para sa nakatakdang regional championship ng kompetisyon sa Nobyembre.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO / Photo: DTI Batangas and LPU Stagers

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.