October 28, 2022
Matagumpay na naisagawa sa Lalawigan ng Batangas ang pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2022 nitong nakaraang Oktubre 24-27, 2022.
Iba’t ibang akitbidad ang nilahukan ng mga kabataang Batangueño sa apat na araw na selebrasyon na inorganisa ng tanggapan ni Sangguniang Kabataan Provincial Federation President, Board Member Maria Louise Vale, sa pakikipagtulungan ng Provincial Assistance for Community Development Office – Youth and Sports Division.
Naging tampok na aktibidad sa isinagawang culminating activity ang song writing contest at vlog making contest para sa tema ng okasyon na “Intergenerational Solidarity, Creating a World for all Ages,” na nilahukan ng mga contestants mula sa mga lungsod at munisipalidad ng lalawigan.
Nagwagi sa unang puwesto ang vlog ni Thomas Gabriel Albufera mula sa bayan ng Taal, pumangalawa si Romina Joy Manipol ng Sto. Tomas City, at pumangatlo si Bryan Comia ng Tuy.
Itinanghal na kampeon ang awitin na sinulat ni Bren Gabriel Emboltorio mula sa bayan ng Ibaan, na pinamagatang “Walang Iwanan.” Sinundan ito ng kantang “Bahaghari” ni Lance Ayore ng Alitagtag, at “Liwanag sa Mundo” ni Vince Christian Rivera ng Sto. Tomas City.
Kasabay nito, binigyang-parangal ang mga SK Federation sa lalawigan ng nagpakita ng mahusay at epektibong pagganap sa tungkulin.
Ang parangal na kilala rin sa tawag na SK Magiting ay ipinagkaloob sa SK Federation ng Batangas City, Ibaan at Sto. Tomas City na nagkamit ng una, ikalawa at ikatlong puwesto, ayon sa pagkakabanggit.
Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO / Photos: Junjun Hara De Chavez