League of Provinces of the Philippines (LPP), Patuloy ang Suporta para sa Wastong Implementasyon ng Mandanas Ruling

Notice of Vacant Position
April 21, 2021
International Mother Earth Day 2021, Ipinagdiriwang ngayong Abril 22
April 22, 2021

April 21, 2021

Matapos ang naging makasaysayan o landmark decision na pagkatig ng Korte Suprema sa petisyong iniakda ni Batangas Governor DoDo Mandanas na nagpapahintulot at nagsasabing ang mga pamahalaang lokal ay dapat magkaroon ng “just share” o wastong kabahagi sa “National Taxes,” umani na ito ng mga positibong komento at suporta mula sa mga Local Government Units at maging sa iba’t-ibang samahan, liga, sektor, at organisasyon sa bansa.

Kaugnay nito, isa ang League of Provinces of the Philippines sa patuloy na nagpapakita ng pakiki-isa sa pagtataguyod para sa napipintong implementasyon ng naturang Supreme Court Decision o Mandanas Ruling simula sa taong 2022.

Patunay niyan, bilang mahalagang bahagi ng General Assembly Resolution 2021-003 ng nasabing samahan ang pag-adopt kamakailan lamang ng kanilang official position at proposed amendments para sa enhancement ng binabalangkas na Executive Order na may titulong “Directing the Full Devolution of certain functions of the Executive Branch to Local Governments”.

Layunin ng resolusyon ng LPP na matiyak ang “smooth implementation” ng Mandanas Ruling upang mas mapalawak ang saklaw at batayan ng tamang kabahagi sa national taxes ng mga lokal na pamahalaan, na kinikilala ngayong National Tax Allotment (NTA).

Matatandaan na ayon sa 1987 Constitution, dapat manggagaling sa lahat ng national taxes, hindi lamang mula sa National Internal Revenue taxes na kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang kabahaging pondo ng mga LGU.

Sa ilalim ng Mandanas Ruling, tataas ang pondong batayan ng NTA na magbibigay sa mga lokal na pamahalaan ng pagkakataon na mabilisang maipatupad ang mga kinakailangang proyekto higit lalo na ang mga basic services sa bawat lokalidad.

Samantala, sa mangyayaring fiscal devolution, maraming mga LGUs na ang umaasa sa patas at nararapat na kabahagi ng pangkahalatang pondo.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO
Photo: Governors League Facebook account/LPP National Secretariat

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.