January 26, 2018
Bilang bahagi ng selebrasyon ng ika-67 anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development ng Region IV-A, na may temang “Walang puwang sa katiwalian ang paglilingkod ng tapat sa bayan,” ginawaran ng Salamat Po! Award at “Pagkilala sa Natatanging Kontribusyon sa Bayan” o PaNata Award ang Lalawigan ng Batangas sa General Trias, Cavite noong ika-25 ng Enero 2018.
Nakuha ng Batangas Provincial Social Welfare and Development Office, na pinangungunahan ng Department Head na si Jocelyn R. Montalbo, isang Registered Social Worker, ang Salamat Po! Award.
Ang Salamat po! Award ay ibinibigay sa mga katuwang na ahensya na nagbibigay ng suporta at tulong sa implementasyon ng mga programa at serbisyo na may kinalaman sa social protection.
Samantala, iginawad din sa Probinsya ng Batangas ang PaNata Award bilang Best Province pagdating sa disaster response at social pension for indigent senior citizens program implementation.
Ang PaNata Award ay iginagawad sa mga nagpamalas ng natatanging kontribusyon at inisyatibo na makamit ang layunin ng departamento.
Kasamang tumanggap ng award si Mr. Joselito Castro, Department Head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office. Kimzel Joy T. Delen – Batangas Capitol PIO