Lalawigan ng Batangas, Fastest Growing Economy sa CALABARZON Region noong 2021

Notice of Vacant Positions
February 2, 2023
Dugtong Buhay Blood Letting activity sa Ibaan, Isinagawa
February 10, 2023

February 3, 2023

Sa kauna-unahang pagkakataon, opisyal na naglabas ng pag-uulat ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng Provincial Product Accounts (PPA) para sa CALABARZON Region na sumasaklaw sa period o taon mula 2018 hanggang 2021.

Kaugnay nito, sa mga ulat na inilathala ng naturang ahensya noong ika-12 at ika-19 ng Disyembre 2022, tumaas at lumago ang ekonomiya ng Lalawigan ng Batangas ng 12.5 percent noong taong 2021 mula sa declined growth rate na negative 14.4 percent noong taong 2020.

Matapos ang naging sunod-sunod na pagsubok at dalang epekto ng pagputok ng Bulkang Taal, pangkalusugang krisis dulot ng COVID-19, at mga dumaang bagyo, nagpakita ang lalawigan ng pinakamabilis na pagbangon ng ekonomiya sa buong rehiyon ng CALABARZON. Dagdag pa rito, nalagpasan pa ng 12.5 percent growth rate ng Batangas ang kabuuang 7.6 percent growth sa Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng naturang rehiyon noong taong 2021.

Sa 7.6 percent growth ng rehiyon para sa nasabing period, Cavite at Batangas ang nanguna na may “contribution to growth” na 2.9 at 2.5 percentage points, ayon sa pagkakasunod.

Ipinapakita sa datos ng PSA na ang main contributors sa pag-unlad ng ekonomiya ng lalawigan, na may kaukulang pagtaas, ay ang Manufacturing na may 22.5 percent, Information and Communication na may 16.8 percent, at Electricity, steam, at water and waste management na mayroong 8.0 percent.

Kasama rin sa inilabas na mga ulat ng PSA ang bumubuo sa kabuuang ₱ 571.8 bilyon na Gross Provincial Domestic Product (GPDP) ng Batangas noong taong 2021, kung saan kabilang dito ang Industry na may pinakamalaking kabahagi na 56.2 percent. Sinundan ito ng Services na mayroong share sa ekonomiya ng lalawigan na 35.8 percent, at ang may pinakamaliit na bahagi sa kabuuang share ay ang Agriculture, Forestry, at Fishing na may 7.9 percent share.

Patuloy naman ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, sa pagkakaroon ng mga inisyatibo para mas mapagtibay pa ang ugnayan ng pamahalaan sa pagitan ng iba’t ibang mga business leaders, industry stakeholders, at mga katuwang na pribado at pampublikong sektor ng negosyo at pamumuhunan.

Matatandaan na kaisa rin ang gobernador sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang mapalakas pa ang economic cooperation at bilateral ties sa pagitan ng Pilipinas at ibang bansa. Patunay rito ang makailang beses na pagsama ni Gov. Mandanas sa ilang serye ng pagbisita ng pangulo sa ibang bansa, kung saan nagkaroon din ng pagkakataon ang gobernador na makapasok sa mga kasunduan at makapagbalangkas ng mga programa para sa lalawigan na may kaugnayan sa turismo, ekonomiya, at pagtatatag ng digital infrastructures.

Kamakailan lamang ay buong-suportang nakiisa si Gov. Mandanas, kasama ang ilang mga development partners at economic managers sa bansa, sa isinagawang Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 Forum, na sumisimbolo sa malalim na adhikain ng gobernador na makamit, makalikha, at makalinang ng tuloy-tuloy na kaunlaran sa Lalawigan ng Batangas.

Ang PPA ay isang mekanismo na nagtatala ng Gross Domestic Product (GDP) sa sub-regional level. Sa pamamagitan nito, mas mabibigyang-pansin ang pagkakaroon ng angkop at wastong economic performance report para sa provincial at highly-urbanized city level. Magiging batayan o source of indicators din ito na susubaybay ang economic development sa local level, at makakatulong upang mas mapagtibay pa ang mga pagbuo ng mga makabuluhang economic policies ng mga provincial policymakers at stakeholders.

Sinimulan ng PSA ang kanilang annual release ng sub-regional level economic performances report noong taong 2022 kung saan isa ang Lalawigan ng Batangas sa mga pilot areas para sa PPA compilation.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO / with reports from PSA

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.