KonSulTa Dialogue at Serbisyo Caravan, Isinagawa sa Batangas Capitol

LAB for ALL initiative ni First Lady Liza Marcos, Inilunsad sa Lalawigan ng Batangas
May 17, 2023
Notice of Vacant Positions
May 18, 2023

May 16, 2023

Nagkaroon ng makabuluhang palitan ng ideya at panukala sa isinagawang dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), mga miyembro ng Provincial Local Health Board, at mga pampubliko at pribadong healthcare providers sa Lalawigan ng Batangas noong ika-16 ng Mayo 2023, sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Ang naturang pagtitipon, na pinangunahan nina Governor DoDo Mandanas, bilang Chairperson ng Local Health Board ng probinsya, at PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, ay may layuning muling matalakay ng masinsinan ang pagsasakatuparan ng mandato na nakapaloob sa Universal Health Care (UHC) Law, akreditasyon ng mga health providers, at madinig ang panig ng iba’t ibang tagapagtaguyod ng kalusugan, lalo’t higit ang mga kabilang sa pribadong sektor.

Kaugnay rito, sumentro ang diskusyon sa ‘Konsultasyong Sulit at Tama (KonSulTa) Package’ ng Philhealth, na inaasahang tutugon sa adhikain na mapalawak ang primary care benefit na makukuha ng bawat Filipino. Ito rin ay isang preventive care program na naglalayon na maagapan at makaiwas ang mga mamamayan sa paglala ng anumang sakit.

“Bilib ako sa konSulTa project…malalaman na agad ang mga may sakit para hindi lumala, para malaman kaagad ang tulong…that’s why we are pushing talaga this preventive measure, and I think it’s very essential,” saad ni Governor Mandanas, na kinilala rin ang mga sakripisyo ng mga health providers sa lalawigan at sa buong bansa.

Binuksan din sa talakayan ang pagpapaabot ng ilang mga mungkahi patungkol sa implementasyon ng programa, na ipinarating ng mga kasaping opisyal ng mga pribadong ospital sa lalawigan. Kabilang sa mga idinulog ng samahan ang kasalukuyang system flow ng healthcare delivery, information and technology infrastructure, costing, at pagkakaroon ng time table. Sa kabila nito, inihayag pa rin ng Private Hospital Association of Batangas ang kanilang buong pagsuporta sa KonSulTa project, na titiyak anila sa isang mithiin na maitaguyod ang tuloy-tuloy na health initiatives para sa lahat.

Sa pag-asang malaki ang maitutulong ng KonSulta Package sa implementasyon ng UHC, tiniyak naman ni PhilHealth President Ledesma na matutugunan ang mga inihaing concerns o suhestyon. Kabilang sa kanyang mga binigyang-diin ang paksa patungkol sa digitalization, na aniya ay pinagtutuunan na ng pansin ng PhilHealth sapagkat ito rin aniya ay isa sa mga main thrusts o tinututukan ng administrasyong Marcos sa buong pamahalaan.

Bukod pa rito, ilan pa sa ipinunto niya ang usapin sa cash flow, payment, at system, na ayon sa pangulo ng PhilHealth, ay kanilang binibigyang-importansya.

“Cash flow is very healthy…we are working in all aspects…we can make cash payment system more efficient, para ‘yung concern po ninyo, like mababayaran ba [kayo], mga serbisyo and all that, ina-address po talaga namin ‘yan, we are working very hard,” paliwanag ni Ledesma.

Nakiisa rin sa isinagawang pagpupulong sina Anakalusugan Party-List Representative, Congressman Ray Florence Reyes; PhilHealth Executive Vice President and Chief Operating Officer Eli Santos; Department of Health (DOH) Assistant Secretary, Dr. Gloria Balboa; DOH CALABARZON Regional Director, Dr. Ariel Valencia, ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, Local Chief Executives ng ilang mga bayan sa lalawigan, Municipal Health Officers, Chief of Hospitals, iba pang healthcare professionals, at mga kawani ng PhilHealth.

Samantala, bilang handog sa mga mamamayang Batangueño, dinala rin ng PhilHealth ang kanilang KonSulTa Caravan sa Kapitolyo para mas maipakilala pa ang nasabing programa at mapabilis ang ipinagaganap na rehistrasyon para rito. Ilan sa mga serbisyong maaaring ma-avail sa KonSulTa package ay libreng konsultasyon mula sa primary care physicians, health risk screening at assessment, mga piling laboratory at diagnostic tests, at mga piling gamot ayon sa health risks, edad, at pangangailangan ng pasyente.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Eric Arellano & Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.