Kauna-unahang Job Fair, Career Expo para sa mga PWDs, Isinagawa sa Batangas Capitol

Invitation to Submit Quotation (Small Value Procurement)
July 26, 2022
Kahandaan sa Sunog, Ipinaalala ng Bureau of Fire Protection
July 31, 2022

July 31, 2022

Bilang bahagi ng pakikiisa sa 44th National Disability Prevention and Rehabilitation Week, isinagawa sa kauna-unahang pagkakataon ang Career, Livelihood and Skills Development Expo para sa mga specially-abled na Batangueño nitong nakaraang Miyerkules, Hulyo 27, 2022, sa Provincial Auditorium ng Kapitolyo sa Lungsod ng Batangas.

Ang programa ay inorganisa ng Batangas Medical Center (BatMC) Department of Rehabilitation Medicine, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD). Layunin ng programa na mabigyan ng pantay na oportunidad sa trabaho at kabuhayan ang mga differently-abled na kababayan upang matulungan sila na maiangat ang antas ng kanilang mga pamumuhay lalo na sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Kabilang sa mga kumpanya na naimbitahan ang Batangas Medical Center, Batangas HealthCare Specialist, CDO FoodSphere, Collins Aerospace at First Gen. Ilan sa mga trabahong kanilang inialok ay data analyst, customer service, warehouse technicians, programmers, treasury staff at iba pa.

Bukod dito, nagbigay ng serbisyo publiko ang ilang tanggapan ng gobyerno gaya ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO), Office of the Provincial Veterinarian, Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) at Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO).

Ayon kay Dr. Emily N. Cabungcal, pinuno ng BatMC Department of Rehabilitation Medicine, ito ay umpisa pa lamang ng kanilang pagtulong sa mga specially-abled na indibidwal. Inaasahan nila na sa mga susunod na pagkakataon ay mas marami pa ang mapapaabutan ng tulong sa hanapbuhay.

Samantala, ipinaabot naman ni Gov. DoDo I. Mandanas ang kanyang pagbati sa pamamagitan ni PACD Department Head Fredesvinda R. Mendoza. Ipinahayag niya ang plano na gawing regular ang pagsasagawa ng aktibidad sa tuwing sasapit ang National Disability Prevention and Rehabilitation Week sa buwan ng Hulyo.

Ayon pa kay Mendoza, nais ding palawakin pa ng gobernador ang programa, mag-imbita ng mas marami pang kumpanya at organisasyon, at masiguro ang pagtulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga kababayang PWD.

Sa ginawa namang pagtalakay ni G. Edwin de Villa, PDAO consultant at tumayong guest speaker, binigyang-diin niya na ang pagkakaroon ng hanapbuhay ay isang paraan upang bigyan ng dignidad ang mga kababayang specially-abled.

“Napakahalaga rin na magkaroon ng sariling dignidad ‘yung mga taong may kapansanan. Kung may sarili kang trabaho, meron kang sariling kinikita, hindi ka umaasa sa ibang tao, hindi ka umaasa sa awa, hindi ka umaasa sa limos, nagkakaroon ka ng dignidad, pagpili, nagkakaroon ka pati ng options, pumili kung anong gusto mo,” pahayag ni de Villa.

Dagdag pa niya, “Sa buhay ng tao, may kapansanan man o wala, mahalaga ang options. Masusukat ang antas ng pamumuhay o quality of life sa availability ng options. Kung marami kang pinagpipilian mas maganda ‘yung quality of life. Itong pagkakaroon ng trabaho ang magtuturo, magdadala at mapapaganda ang quality of life ng isang may kapansanan.”

Gian Marco Escamillas, Batangas Capitol PIO

Please follow and like us:
fb-share-icon
Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
21

Comments are closed.