Ngayong nasa ika-6 na buwan na mula nang sumailalim ang bansa sa community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic, isa sa mga tanong ng bawat Batangueño ay kung ano na nga ba ang estado ng lalawigan ng Batangas sa pagharap sa pandemyang ito.
Kaugnay dito, masusing tinalakay ni Doc. Gerald Alday, Batangas Provincial Health Officer I at Incident Commander ng Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases ng Lalawigan ng Batangas, ang iba’t ibang katanungan hinggil dito sa kanyang panayam sa B’yaheng Kapitolyo noong ika-9 ng Setyembre 2020.
Una nitong binigyang-linaw ang kadahilanan sa pananatili ng Lalawigan ng Batangas sa General Community Quarantine (GCQ) sa kabila ng mas mataas na bilang ng kaso ng may COVID-19 sa mga mga lalawigan na ngayon ay nasa Modified GCQ.
Ayon kay Dr. Alday, nauna nang naglabas ng rekomendasyon ang IATF kung saan inirekomenda ang Batangas na manatili sa GCQ, at bagamat maaring umapela ay minarapat ni Gov. DoDo Mandanas, Batangas IATF Chairperson, na sundin ang desisyon ng national government dahil sila aniya ang mas nakakaalam kung ano ang mas makakabuti sa lalawigan, at mas may kapasidad na magtalaga kung saang kategorya ng community quarantine dapat mapabilang dahil sa maraming eksperto at pag-aaral ang isinasagawa ng mga ito bago maglabas ng rekomendasyon.
Nais din umanong dahan-dahanin ang pagbubukas ng ekonomiya sa probinsya, nang sa gayon ay higit na masigurado ang kaligtasan ng mga Batangueño, at iniiwasan rin ang maaaring biglang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases kung piniling isailalim na sa MGCQ ang Batangas.
Pagdating naman sa usaping contact tracing at iba pang hakbang kontra COVID-19, hindi pa umano sapat ang bilang ng contact tracers sa Batangas, pero maituturing namang maganda ang pagsasagawa ng contract tracing dito, na kamakailan lamang ay binigyang komendasyon ng Department of Health (DOH) Region IV-A.
Bukod dito, binigyang-diin ni Dr. Alday na mula Marso ngayong taon, noong nagsisimula pa lamang ang paglaganap ng COVID-19 pandemic sa bansa, ay nauna nang ipinatupad ni Gov. Mandanas ang pagsasagawa ng repair at maintenance sa 12 district hospitals sa lalawigan, kabilang na ang pagdaragdag ng isolation rooms, at paglalagay ng mga additional na kama sa mga ito, pati na rin ang patuloy na konstruksyon ng mga gusaling magagamit bilang isolation facilities.
Mayroon ding isolation facility sa Malainin, Ibaan, na ang pamamalakad ay katuwang ang DOH, na nagkaroon na ng 137 na pasyente, kabilang ang 111 na mga sibilyan, at 26 na mga pulis at Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Patuloy din ang pagdadagdag ng isolation facilities sa lalawigan, kung saan ang mga evaculation centers ay isinasaayos upang maggamit na mga isolation facilities bilang tulong na rin sa mga local government units.
“Tayo po ay handang tumulong, anytime po, basta po tungkol sa mga pasilidad. At tayo ay nakapagbigay na rin po ng mga medical supplies sa mga nag-request na LGUs gaya ng PPEs, disinfectants, even po yung mga inilagay po natin sa Malainin na mina-manage ng DOH, gaya ng hospital mattress, at kung anuman pong mga pangangailangan nila. Talaga pong tumutulong tayo,” dagdag ni Dr. Alday.
Ayon pa kay Dr. Alday, simula pa noong buuin ang IATF, bago pa man gawing virtual ang mga pagpupulong bilang pagsunod sa health protocols, aktibong pinangungunahan at nakikilahok si Gov. Mandanas sa mga meeting ng task force.
Dagdag pa nito, bago pa man umano mai-lockdown ang mga bayan sa lalawigan, kailangan ito ng pag-endorso ng gobernador, kung kaya kapag may LGUs na nagpadala ng e-mail sa tanggapan ng PHO, ano pa mang oras ay tinatawagan niya ang gobernador at agad naman itong naresponde at sinasabing iendorso ito kaagad para sa kapakanan ng bayan at siyudad.
Aniya, sa ngayon ay nasa mahigit ₱2 Bilyon na ang nagagamit sa COVID-19 Response Fund ng probinsya, na inilaan sa mga ipinagawa na at ipapagawa pang istraktura at mga kailangang kagamitan at pasilidad sa mga ito.
Inulit din ni Dr. Alday na buhat noong Marso ay bukas sa hiring ng mga health workers ang kanilang tanggapan. Subalit dahil sa walang nagpapasa ng aplikasyon, kahit na malaki ang suweldo, nagkakaroon ng kakulangan sa mga kawani ang PHO.
Batid umano nito na marahil ay natatakot ang mga health workers na mahawa sa virus, kaya naman bilang halimbawa, isinaad nito na sa Malainin Isolation Facility ay wala pa ni isang health worker na nagpositibo sa COVID-19 sapagkat maigting na sinusunod ng mga ito ang health protocols na ipinapatupad.
Pagdating naman sa testing centers, mayroon umano sa Philippine Red Cross at Batangas Medical Center. May mga kausap na rin si Gov. Mandanas na magtatayo ng testing centers, na inaayos na lamang ang mga kailangang permiso at dokumento mula sa DOH at PhilHealth.
“Nasa tamang direksyon po tayo sa paglaban sa COVID-19. Tayo po ay slowly but surely, kasi gusto po nating tayo ay talagang ligtas kapag lumalabas sa ating mga tahanan at panay din po ang ating paalala, katulong din po ang PIO ng Province of Batangas sa pagpapaalala sa ating mga kababayan kung ano ang mga dapat nilang gawin,” ani Dr. Alday.
Paalala pa nito, “Tayo po ay sumunod sa ating minimum health standards na always wash our hands with soap, social distancing, always wear face mask and face shield at huwag po tayong maging pasaway sa sama-samang paglaban dito sa COVID-19.”