March 27, 2017
Inilatag ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) ang mga programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa mga Batangueño Persons with Diabilities (PWDs) sa lingguhang pagbibigay pugay sa bandila noong ika-27 ng Marso 2017 sa Batangas Provincial Auditorium, Batangas City
Kaalinsabay ng pagdiriwang ng Women’s Month Celebration ay ang 13th Women with Disabilities’ Day Celebration kung saan nagkaroon ng Sensitivity and Awareness of Persons with Disabilities’ Rights. Bilang tugon dito, ibinahagi ng PDAO ang kanilang mission, vision at activities na nakasentro para palawigin ang kaalaman ng mamamayan sa mga karapatan ng PWDs.
Sa tulong din ng Pamahalaang Panlalawigan, binigyang buhay at pansin ng Provincial Ordinance No. 02 – 2011 ang pagkakaroon ng PDAO o tanggapan na tutugon sa mga pangangailangan ng mga may kapansanan. Sa kasalukuyan, ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang nakatutok para tulungan ang mga pinuno ng PWDs sa bawat bayan at lungsod ng lalawigan.
Isang skit ang itinanghal ng ilang kawani ng pamahalaang panlalawigan at PWD presidents and representatives. Dito ay ipinakita kung ano ang kalimitang diskriminasyong nararanasan ng PWDs pagdating sa pagbibigay serbisyo, paghingi ng tulong o kaya ay paghahanap ng trabaho. Itinanghal din nila ang paraan ng ilang PWDs para magsilbing magandang modelo o inspirasyon sa kapwa nila at maging sa mamamayang hindi bukas sa mga karanasan ng PWDs.
Iniulat naman ni Mr. Joseph Marti Sandoval ang PDAO Action Plan 2017 kung saan nakapaloob ang pagkakaroon ng quarterly PWD council meeting, customized wheel chair distribution, capacity building, independent living and peer counselling workshop, regular meeting with PWD Provincial Federation Officers at maging ang proposed legislations para sa kapakanan ng PWDs.
Samantala, ibinahagi ni PDAO Head Edwin De Villa ang iba pang proyekto ng kanilang tanggapan gaya ng Sign Language Training, Access Audit, Disability Inclusive Disaster Risk Management training, Lectures on UNCRPD, Simulation of impairment at Disability Inclusive Development Programs.
Nangako ang PDAO na patuloy nilang pag-iibayuhin ang kanilang adhikain na mapalawak ang kaalaman ukol sa karapatan ng PWDs at palalawigin ang bawat proyekto nila para sa Batangueño PWDs. Kristina Marie Joy B. Andal– Batangas PIO Capitol