Nakiisa ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pagdiriwang ng “World Wetlands Day,” na isinasagawa tuwing ika-2 ng Pebrero bawat taon at naglalayong mapataas ang pandaigdigang kamalayan ng mga mamamayan sa kahalagahan ng “wetlands” na mapagkukunan ng tubig-tabang at hinihikayat ang pagkilos at pagtutulungan ng lahat upang mapanumbalik ang mga ito at matigil ang kanilang pagkawala.
Kabilang ito sa mga adbokasiya ng Kapitolyo, sa patuloy na direktiba ni Governor DoDo Mandanas, at sa pamamagitan ng Provincial Government – Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), upang mas maisulong ang pagpapanatili ng isang malusog, maayos at malinis na kapaligiran sa buong lalawigan katuwang ang mga coastal Local Government Units (LGUs), mga miyembro ng academe, non-government organizations (NGOs), at mga pribadong samahan.
Kaugnay nito, magkakasama, sa Brgy. Bagong Tubig at Banoyo, San Luis, Batangas, ang mga kawani ng PG-ENRO, ilang mga kabataan, barangay officials at volunteers mula sa JG Summit Petrochemicals Group na naglinis sa paligid ng mga bakawan sa baybaying dagat at nagtanim ng dalawang daang Bungalon/Api-api (Avicennia marina), na sumusuporta sa isang mayaman na biodiversity at proteksyon dulot ng climate change.
Nakiisa rin si Vice Gov. Mark Leviste sa World Wetlands Day, na may temang “Wetlands and Water” para sa taong ito, sa pamamagitan ng pagtatanim ng bakawan sa Barangay Wawa, Nasugbu kasama ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources at pamahalaang lokal ng Nasugbu.
Batangas PG-ENRO / Batangas Capitol PIO