Kampanya Laban sa Karahasan sa Kababaihan, Isinulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas

Bb. Padre Garcia, Nagwaging Mutya ng Batangas 2017
December 13, 2017
Top Taxpayers, Investor ng Batangas Province Pinarangalan
December 13, 2017

December 13, 2017

Pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), kaakibat ang Provincial Women Coordinating Council (PWWC) at Samahang Batangueña ng Timog Tagalog Inc., ang isang programa na kaugnay ng  National Observance of the 18 Day Campaign to End Violence Against Women na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong December 12, 2017.

Tinalakay sa nasabing programa ang Violence Against Women (VAW) Referral System o lupon ng mga ahensya o organisasyon na umaaksyon sa isyu. Ipinaliwanag din dito ang mga hakbang at aksyon na dapat at hindi dapat gawin ng mga taong kumikilos kapag may natatalang report ng karahasan.

Nagbigay ng ulat tungkol dito si Ms. Finaflor Taylan, Director, University of the Philippines Open University (UPOU) Office of Gender Concerns, kung saan binigyang-diin niya ang tungkulin at responsibilidad ng iba’t ibang tanggapan na tumatalima sa kapakanan ng kababaihan kung sakaling sila ay may mae-engkuwentro na pangyayari ukol sa pagmamalupit at pagsasamantala. Nasundan ito ng isang Open Forum kung saan malayang nakapagtanong at nakapaghayag ang mga panauhin ng sarili nilang karanasan.

Layunin ng nasabing programa na maipalaganap ang adbokasiya na ito upang masugpo ang mga kaso ng Violence Against Women sa lalawigan. Kaugnay nito, patuloy ang pagsasagawa at pagpapalawig ng mga ganitong klaseng seminar sa buong Lalawigan ng Batangas.

Binigyang pagkilala ni Ms. Flor Lachica ng PSWDO ang mahigit 200 na mga kababaihang representante ng LINGAP, LIKAS, Gender and Development Focal, Day Care, Municipal Women Coordinating Councils, Brgy. Tanod, VAW Desk Officers, Philippine National Police, Local Government Units / Municipal Social Welfare and Development Offices, Association of Brgy. Captains, Brgy. Nutrition Scholars/ Brgy. Health Workers, Provincial Inter-Agency Council Against Trafficking in Person at Department of Education.

Aktibo din na nakiisa si PWCC President, Atty. Gina Reyes Mandanas sa naturang programa kung saan isang Commitment Setting ang kanyang pinangunahan na sinundan ng lahat ng partisipante, sa pamamagitan ng pagtatak ng kanilang hand prints sa isang tarpaulin na sumisimbolo sa pagkakaisa at sama-samang paglaban sa karahasan sa mga kababaihan.

Bilang simbolo rin ng programa, namahagi ng kulay orange na T-Shirt ang mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa mga dumalo. Ang naturang kulay ng damit ang international color na kumakatawan sa pagsugpo sa karahasan sa kababaihan.

Sang-ayon sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, pinahahalagahan ng Estado ang dignidad ng mga kababaihan at mga bata at tinitiyak ang buong paggalang sa mga karapatang pantao. Kinikilala din ng estado ang pagprotekta sa mga pamilya at mga miyembro nito lalo na ang mga kababaihan at mga bata, mula sa karahasan at banta sa kanilang personal na kaligtasan at seguridad.   Karla Mae Liboon & Nicole Bermas/Photo by: Karl Ambida – PIO Capitol

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
72

Comments are closed.