November 2, 2024
“Dito sa Lalawigan ng Batangas, tayo ay nagkakaisa, nagtutulong-tulong. Ipinapakita na ang ating malasakit ay totoo.”
Ito ang binigyang-diing mensahe ni Governor Hermilando Mandanas sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ilang araw buhat nang maranasan ng iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan ang walang patid na pag-ulan, malakas na bugso ng hangin, at matinding pagbaha na ipinamalas na bagsik ng Severe Tropical Storm Kristine.
Kaugnay nito, ginawang prayoridad ng punong lalawigan ang mabilisan at tuloy-tuloy na paghahatid ng tulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga Batangueñong lubhang naapektuhan ng nagdaang kalamidad.
Kasalukuyang Sitwasyon
Batay sa huling datos na inilabas ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), may kabuuang 81, 679 na mga pamilya o may katumbas na 389,493 na mga indibidwal mula sa 791 na mga barangay sa buong lalawigan ang naapektuhan ng bagyo.
Sa bilang na ito, mayroon pang 20,965 na mga pamilya o may katumbas na 88,374 na mga indibidwal ang nananatiling na-displaced o pansamantalang lumikas at nasa mga evacuation centers pa o hindi kaya naman ay nasa kani-kanilang mga kamag-anak. Sa buong probinsya, may 62 evacution centers pa ang bukas at patuloy sa operasyon.
Naitala rin sa report ang kabuuang 36,208 na mga nasirang tahanan, kung saan 4,987 dito ay totally damaged at 34,039 ang partially damaged.
Sa sektor naman ng agrikultura, umabot na ang cost of progress damages o iniwang pinsala ng bagyo sa mahigit ₱1.1 Bilyon. Apektado rito ang 8,089 na mga magsasaka, habang 4,601.21 ektarya ang damaged area. Sa nabanggit na halaga, kabilang na rito ang sektor ng pangisdaan at irrigation system, gayun din ang iba’t-ibang uri ng pananim tulad ng palay, mais, cassava, mga gulay, fruit-bearing trees, at rootcrops.
Bagaman malaking bahagi o porsyento na ng mga kalsada at tulay sa probinsya ang nadadaanan nang muli ngayon ng publiko at mga sasakyan, hindi pa rin maikakaila ang naging epekto ng naranasang matinding pagbaha, pagguho ng lupa, pagragasa ng putik, at pagkabuwal ng mga punongkahoy noong kasagsagan ng paghagupit ng bagyo sa halos 116 roads and bridges dito.
Ayon pa rin sa ulat, 59 ang naitalang nasawi o casualties at 12 na mga indibidwal ang nawawala.
Taal na pagtulong, Sama-sama, Nagkakaisa
Umabot na sa higit ₱8.6 Milyon na cost of assistance ang nailaan ng pamahalaang panlalawigan para sa pagtugon nito sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.
Bilang tugon ng lalawigan, walang tigil na ipinagaganap ng Kapitolyo ng Batangas ang pagsasagawa ng relief operations, kung saan personal na nagtutungo at binibisita ni Governor Mandanas ang mga naapektuhang barangay sa Batangas.
Simula pa noong ika-24 ng Oktubre 2024, umaarangkada na ang kumpletong tulong sa mga nasalanta ng bagyo, mula pagkain, atensyong medical, at pinansyal na suporta. Kabilang sa mga inihahatid na tulong ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan, tulad ng hot meals o luto nang pagkain, food packs, hygiene kits, emergency supplies, at iba pang mga essential items.
Tinitiyak din ang pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan, na kinabibilangan ng konsultasyon, mental health and psychosocial processing, pamamahagi ng libreng gamot, at information dissemination campaign para makaiwas sa mga maaaring makuhang sakit sa panahon ng kalamidad o pag-ulan.
Ang gobernador din mismo ang personal na nag-aabot ng pinansyal na tulong sa mga kaanak ng mga nasawi o binawian ng buhay dahil sa Bagyong Kristine.
Agaran naman ang ginagawang pamamahagi ng Kapitolyo sa mga affected families and individuals ng mga natatanggap na donasyon mula sa mga pribadong samahan, organisasyon, at kumpanya.
Pagkilos kabalikat ang ibang mga ahensya, samahan
Dagdag pa rito, ang Lalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng mga bumubuo ng PDRRMC Response Clusters at Unified Command Incident Management Team (UCIMT), ay nagtutulong-tulong at nananatiling organisado para sa deployment at augmentation ng manpower, asset, at additional resources na higit na kinakailangan sa mas pinalawak na paghahatid ng serbisyo.
Patunay ito sa naging pahayag ni Governor Mandanas, na sa panahon na nararanasan ng lalawigan ang ganitong uri ng pagsubok, kinakailangan aniya ang pagkakaisa. “Hindi natin kakayanin kung tayo lamang, kahit na tayo ay nakahanda, kahit na tayo ay nagsisikap…kailangan [din] ang patuloy na panalangin,” saad ng gobernador.
Sa katunayan, walang tigil pa ring pinagtutulungan ng mga deployed personnel mula sa Provincial UCIMT ang pagsasagawa ng road clearing operations sa ilan pang mga apektadong kalsada at tulay para sa patuloy na paglilinis sa mga naiwang makakapal na putik, gumuhong lupa, natumbang puno, at iba pang mga bagay na maaaring magdulot ng panganib sa publiko.
Patuloy rin ang search and retrieval operations para sa mga napaulat na missing persons. Dito ay malugod na tinatanggap ng probinsya ang ilang mga disaster response contingent mula sa iba’t ibang lugar sa bansa, na malaking tulong dahil sa dagdag na retrieval assets.
Kabilang sa mga partner agencies, offices, stakeholders, at PDRRMC members, na taos-pusong pinasasalamatan ni Governor Mandanas, ang 34 Local Cities and Municipalities DRRM Offices ng Batangas, Department of Public Works and Highways, Department of the Interior and Local Government, Philippine Air Force and K9 Unit, Philippine National Police, Philippine Coast Guard and K9 Unit, Philippine Navy and Reservists, Philippine Army SOLCOM, Philippine Red Cross, Bureau of Fire Protection, Department of Information and Communications Technology IV-A, Department of Education, WISAR Philippines, Ugnayan Search, Rescue and Retrieval Team, Makati CDRRMO, Valenzuela CDRRMO, at lokal na pamahalan ng Dolores, Quezon.
Kasama rin dito ang ilan pang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, na binubuo ng Office of the Provincial Governor, Provincial Information Office, Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Provincial Social Welfare and Development Office, Provincial Health Office, Provincial Engineering Office, Provincial Assistance for Community, Public Employment, and Youth and Sports Development Office, Provincial General Services Office, at iba pang katuwang na opisina na kabilang sa response cluster ng probinsya.
Samantala, ipinunto naman ng gobernador na malaki aniya ang naitulong ng mga ipinagkaloob ng probinsya na Multi-purpose Recue Vehicles sa nagdaang kalamidad, na ayon sa kaniya ay nagamit sa evacuation at rescue efforts.
Tunay na handa, tuloy ang pag-asa
“We need to act, we need to give hope to the people,” pahayag ni Governor Mandanas sa nakaraang Media Briefing, na sumalamin sa pagiging handa ng lalawigan na tumulong at magbigay ng pag-asa sa mga Batangueño.
Bagaman hindi nakontrol na magkaroon ng mga nasawi dulot ng pananalasa ng bagyo, sinikap ng buong lalawigan, sa abot ng makakaya nito, na maging handa sa noo’y inaaabangan pa lamang na sama ng panahon.
Sa pagtama ng epekto ng bagyo sa lalawigan, hindi pa man humuhupa ang malakas na ulan at pagbugso ng hangin noong ika-24 ng Oktubre, minarapat agad ng Emergency Operations Center ng lalawigan na makapag-deploy ng Mountain Search and Rescue at Water Search and Rescue (MOSAR/WASAR) teams at makapagsagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA upang matiyak ang agarang reporting sa sitwasyon at pangangailangan ng mga apektadong lugar.
Sa ngayon, ang Lalawigan ng Batangas ay nasa ilalim ng State of Calamity, matapos aprubahan ng Sangguniang Panlalawigan noong ika-25 ng Oktubre ang Resolution No. 1565. Magbibigay-daan sa probinsya ang estadong ito, alinsunod sa tuloy-tuloy na pagtutok ng pamahalaang panlalawigan, na agarang makapagbalangkas at makapagpaganap ng mga plano para sa pagpapaabot ng mga pangangailangan ng mga apektadong mamamayang Batangueño at mabilis na pagbangon ng Batangas.
✎: Mark Jonathan M. Macaraig / Photos: Karl Ambida, Junjun De Chavez – Batangas Capitol PIO